Back to school Tips Para Sa Mga Magulang Na Wais

PIO Department

2018-6-1

Share article on:

Sa panahon kung kailan nagtataasan ang presyo ng mga bilihin, mistulang nahaharap sa pagsubok ang mga magulang sa nalalapit na pagbubukas ng klase dahil nangangahulugan ito ng kabi-kabilang gastusin tulad ng pagbili ng mga gamit pang-eskwela.



Sa kabila ng pagsubok na ito, mayroong maaaring puntahan ang mga magulang na Marikenyo upang maging praktikal at hindi nakabubutas ng bulsa ang pagbili ng mga school supplies, uniporme, at maging sapatos at bag para sa kanilang mga anak.




Sa loob ng market zone, mayroong mga tindang gamit sa eskwela na mabibili sa murang halaga na kung tawagin ng iba ay “presyong Divisoria”.  Ang hilera ng mga tindahan sa tapat ng Sta. Elena High School sa W.C. Paz St. ay dinadagsa para sa mga notebook, lapis, note pads, krayola, mga papel, at iba pang gamit sa eskwela. Ang mga paninda rito ay mas mura nang dalawang piso o higit pa kompara sa presyo ng mga school supplies sa ibang pamilihan.




Ayon kay Emilita Ong, may-ari ng Abudab’s Trading, sa halagang P300 ay maaari na umanong makabili ang mga mag-aaral ng mga kailangang gamit sa paaralan.


Kung uniporme naman ang kailangan, mayroong mga ready-to-wear o RTW shops sa Marikina Public Market Dry Goods Section at sa ibang pwesto sa loob ng market zone na nagbebenta ng murang mga damit pang-eskwela sa halagang naglalaro sa P500-600 bawat set. Ang iba na nais magpatahi o magpacustomize ng kanilang uniporme, ang mga modista naman sa Goods Section ang takbuhan.




 


Kung sapin sa paa naman ang kailangang bilhin, hindi na kailangan pang lumayo sapagkat ang Marikina na kilala bilang  Shoe Capital ng bansa ay nagdadaos ng shoe and bag bazaar tuwing magbabalik-eskwela.


Inaasahang nasa P250 ang pinakamurang halaga ng sapatos pang-eskwela para sa mga bata at hindi naman tataas sa P1,000 ang leather shoes para sa matatanda. Mayroon ding mabibiling iba pang leather goods tulad ng sandalyas, tsinelas, ganoon din ang leather at synthetic bags sa abot-kayang halaga.




Ang mga produkto rito ay orihinal na gawa ng mga sapaterong Marikenyo kaya nakatitiyak ang mamimili sa mataas na kalidad ng produkto sa murang halaga.

Tatagal hanggang Hunyo 17, bukas ang shoe bazaar mula 9:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi tuwing Lunes hanggang Huwebes, at 9:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi tuwing Biyernes hanggang Linggo.

Samantala, bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 4, kamakailan ay nagsimulang magbayanihan ang mga magulang, mga mag-aaral, at mga guro sa mga pampublikong paaralan sa buong lungsod sa aktibidad na tinatawag na “Brigada Eskwela”. Tulong-tulong na nilinis, inayos at pinaganda nila ang mga paaralan para maging kaaya-aya ang mga ito sa mga estudyante.


Share article on: