Bagong Terminal ng Traysikel ng C&P TODAI, Pinasinayaan ni Mayor Marcy

PIO Department

2018-6-25

Share article on:

Kahit nabasa sa ulan sa pagpapasinaya sa bagong multi-purpose hall sa Nagkakaisang Nangka Homeowners Association, tumuloy pa rin si Mayor Marcy Teodoro sa Liwasang Kalayaan sa Brgy. Marikina Heights para sa isa pang programa.

Dito ay pinangunahan ni Mayor Marcy ang pagpapasinaya sa bagong terminal ng traysikel ng C&P Tricycle Operators and Drivers Association, Inc. na may 112 miyembro at 52 traysikel na namamasada sa naturang lugar.

Biniro pa ni Mayor ang mga dumalo sa programa -- kabilang na ang mga driver at operator ng mga traysikel -- na ginanap sa loob ng covered basketball court na malapit sa bagong terminal. Tumila na ang ulan ng dumating si Mayor Marcy.



“Akala ko malakas din ang ulan dito kaya nagmamadali ako. Sabi ko, baka kako basang-basa na kayo kaya ako nagmadali. Nag-aalala ako sa inyo. Iyon pala tuyong-tuyo kayo. Tuyong-tuyo pala ang bawat isa,” sabi ni Mayor Marcy sa isang maiksing pananalita bago ang ribbon-cutting ceremony noong Sabado ng hapon, Hunyo 23.




“Sabi sa akin ng driver ko, Mayor dadalhin muna  kita sa bahay niyo para makapagbihis kayo. Alam niyo hindi ko magawang umuwi at magbihis dahil iniisip ko, kung kayo ay nababasa. Hindi ko maalis ang mag-alala dahil mahal ko kayo,” pabirong sabi ni Mayor Marcy na lubos na pinalakpakan ng mga dumalo sa okasyon.

“Mahal ko kayo. Iyon nga lang mukhang lugi ako ngayon sa inyo,” dagdag pa niyang biro na lalong ikinasigla ng mga operator at driver ng mga traysikel at ang kani-kanilang pamilya.

Ang bagong terminal ay may 32 inches na TV, mga upuan para sa mga pasahero at bubong. Ngunit pinapagawan pa ni Mayor ng shed upang hindi mainitan sa araw o mabasa sa ulan ang mga pasahero at drayber.

“Mukhang maganda itong abangan ng traysikel. Iyon nga lang sabi ko, lagyan lang ng konting lilim dahil napansin ko mainit kapag maaraw, lalo na sa hapon. Gagawa tayo ng paaraan. Lalagyan pa natin ng shed,” ayon pa kay Mayor Marcy.




Share article on: