Balik Eskwela Shoe Bazaar sa Marikina Mula Mayo 17 – Hunyo 10

PIO Department

2018-5-17

Share article on:

Ang back to school shoe bazaar sa Marikina ay magkakaroon ng soft opening ngayong araw ng Huwebes, Mayo 17.

Tinawag na “Balik Eskwela Gamit Sapatos Marikina,” ang shoe fair ay lalahukan ng 50 na mga kompanyang gumagawa ng sapatos na ibebenta sa factory prices o mas mababa kesa sa mga presyo sa mga tindahan at department stores.

Gaganapin ito sa Shoe Avenue malapit sa City Hall. Mayroong sariling tent ang bawat lalahok na magtitinda ng kani-kanilang produktong gawa sa Marikina.

Pormal na magbubukas ang back to school bazaar sa Lunes, Mayo 21, at magtatapos sa Hunyo 10.


Taon-taon ay ginaganap ang back to school fair upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magulang at kamag-anak ng mga mag-aaral na makabili ng sapatos na gagamiting pang-eskwela sa mas mababang halaga, ngunit taglay pa rin ng mga ito ang tibay at mataas na kalidad kung saan nakilala ang mga sapatos na gawa sa Marikina.

Ang pagkakaroon ng mga ganitong promosyon ay ilan lamang sa mga proyektong sinusuportahan ng City Government of Marikina sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marcy Teodoro upang lalong mapasigla ang industriya ng paggawa ng sapatos sa lungsod.

Bukod sa Marikina, naimbitahan din ang mga manggagawa ng sapatos ng Marikina sa iba't-ibang bahagi ng Metro Manila para sa kani-kanilang back to school fair tulad sa bayan ng Muntinlupa, San Juan, Mandaluyong at marami pang iba.


Share article on: