Higit 3,000 residente ng Marikina Nakabitan ng Kuryente sa Ilalim ng MCEP

PIO Department

2018-5-23

Share article on:

Higit tatlong libong kabahayan sa Marikina ang nakabitan ng linya ng kuryente ng Meralco mula ng itinayo ni Mayor Marcy R. Teodoro ang tanggapan ng Marikina Community Electrification Project (MCEP) na layong makabitan ng ilaw ang bawat kabahayan sa lungsod.

Dahil prayoridad ni Mayor Marcy ang mas maginhawang pagpoproseso ng electrical permit at building permit para sa mga tahanan at komunidad, binuo niya ang opisina ng MCEP sa unang taon ng kaniyang panunungkulan bilang Puno ng Lungsod ng Marikina.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 3,003 kabahayan ang nakabitan ng linya ng kuryente ng Meralco habang nasa 5,482 naman ang patuloy na prinoprosesa.

Samantala, mayroon namang 453 building permits ang naipagkaloob sa mga residente simula nang nagumpisa ang proyektong ito noong Nobyembre 2017.

Si Mayor Marcy mismo ang namimigay ng mga electrical at building permits sa mga residente. Pero bago sila pagkalooban ng  mga ito, sila ay kailangang sumailalim sa seminar upang malaman ang mga dapat at hindi dapat gawin para sa kaayosan ng kani-kanilang komunidad. Ang seminar ay ginagawa mismo sa araw kung kailan sila mabibigyan ng permits sa City Hall.




May proseso ang pagkakaloob ng mga permits.

Pupunta muna ang mga residente at mag-aapply sa MCEP. Ang MCEP naman ay titingnan kung sila ay karapat-dapat o hindi na mabigyan ng mga permits. Kung sila ay pasado, bibigyan sila ng schedule kung kailan sila dadalo ng seminar at kasunod nito ay ang pagkuha ng mga permits.

Nagdesisyon si Mayor Marcy na magkaroon ng ganitong proseso sapagkat maraming Marikenyo ang nag-aapply ng electrical permits sa Meralco pero hindi sila agarang naaksyonan dahil na rin sa dami nila. Noong Nobyembre 2017, isinama na rin ang building permits para isang bigayan at seminar na lang.

Share article on: