Iwas-sakit Ngayong Tag-init

PIO Department

2018-5-11

Share article on:

Kasabay ng patuloy na pagtaas ng temperatura sa panahong ito ng tag-araw ay ang matinding init at alinsangan na nararamdaman ng mga tao.

Dahil dito, nagpaalala si City Health Officer Dr. Alberto Herrera upang maproteksyunan ang mga residente laban sa banta ng heat stroke o sun stroke at ibang sakit na maaaring makuha sanhi ng labis na init ng panahon.

Narito ang ilan sa kanyang mga tagubilin:


1.    Higit na mas mainam kung mas dadamihan pa ang pag-inom ng tubig upang mapanatili ang temperatura ng katawan. Uminom ng  hindi bababa sa walong baso ng tubig araw-araw.

2.    Magsuot ng mga damit na medyo maluwag at komportable upang makadaloy ang hangin sa katawan.

3.    Hanggat maaari ay iwasang lumabas ng bahay o magbilad nang sobra sa gitna ng sikat ng araw (mula 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon) dahil sa mga oras na ito pinakamataas ang damang init.

4.    Maligo araw-araw; kung kinakailangan ay maligo ng dalawang beses o higit pa upang maging presko ang pakiramdam.

5.    Kumain ng mga prutas at gulay na matubig tulad ng pakwan, melon, singkamas, pipino, letsugas, at iba pa

6.    Kung hindi maiiwasang lumabas, gumamit ng sun block na may mataas na sun protection factor (SPF), payong at sombrero bilang pananggalang sa init ng araw. Ipinapayo rin ang pagsusuot ng salamin o sunglasses upang maproteksyunan ang mata sa labis na liwanag.

7.    Tiyaking hinugasan nang maayos at niluto nang maigi ang mga pagkaing inihahanda upang hindi ito makontamina at mapanis na maaaring maging sanhi ng pagkalason at pagtatae.

8.     Iwasan ang pagkamot ng mata kung ito ay napuwing dahil maaari itong mamula at mairita. Kung sakali man na ito ay namula na at mayroong pagmumuta, mangyaring magpatingin sa manggagamot upang matiyak kung ito ay sore eyes at upang malapatan agad ng lunas.

9.    Kung mayroong nararamdamang kakaiba tulad ng sobrang pagkahilo o paninikip ng dibdib, mangyaring magtungo agad sa pinakamalapit sa health center o ospital upang matingnan.

10. Kumain ng wastong pagkain at uminom ng bitamina upang mas mapalakas pa ang resistensya laban sa sakit.



 


Sa panahon ng tag-init, maraming mga sakit ang maaaring maglabasan kaya naman ibayong pag-iingat ang ipinapayo sa lahat. Kung mayroon mang nararamdaman na hindi pangkaraniwan ay huwag nang mag-atubiling kumonsulta sa manggagamot.

Kung mayroong katanungan hinggil sa mga serbisyong pangkalusugang ipinagkakaloob ng City Health Office, maaaring tumawag sa numero (02) 942-2359 o (02) 997-1108. #

Share article on: