Kahit Basang-basa sa Ulan: Mayor Marcy Pinasinayaan ang Multi-Purpose Hall

PIO Department

2018-6-25

Share article on:

Ang tunay na serbisyo, walang pinipiling panahon. Kahit bagyo ay susuungin mapaglingkuran lamang ang bayan.

Sa gitna ng malakas na ulan, masayang nagtipon-tipon ang mga residente ng Nagkakaisa sa Nangka Homeowners Association upang pasinayaan ang kanilang bagong multi-purpose hall sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro na kahit basang-basa ay kitang-kita pa rin ang kaniyang kasiyahang mapaglingkuran ang mga Marikenyo.

“Blessed na blessed tayo,” wika ni Mayor Marcy sa isang maiksing pananalita sa kabila ng malakas na buhos ng ulan. Hindi rin umalis sa kani-kanilang kinauupuan at kinatatayuan ang mga residente at iba pang dumalo sa okasyon noong Sabado, Hunyo 23, kahit sila ay basa na sa ulan.


Ang bagong multi-purpose hall ay may tatlong palapag at may kabuuang floor area na 72 square meters. Gagamitin itong day care center, meeting place ng mga opisyales at miyembrong HOA at pagdadausan ng mga espesyal na okasyon katulad ng birthday ng mga residente ng komunidad.



Pinasaya ni Mayor ang mga dumalo sa okasyon, kabilang na ang mga kawani ng City Hall, sa pamamagitan ng paghikayat sa kanilang sumigaw ng “hurray!” bilang tugon sa kaniyang pagsigaw ng “hep..hep..” Sinundan ito ng masigabong palakpapakan, isang pagpapatunay lamang na walang malakas na ulan ang pwedeng pumigil sa anumang pagtitipon ng mga Marikenyo, lalo na kung ito ay para sa ikabubuti ng komunidad.





Kahit patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan, ipinagpatuloy din ang oath taking ceremony ng mga opisyales ng Bantay Samahan ng Nagkakaisang Nangka sa pamumuno ni Mayor Marcy. Ang grupo ang siyang tutulong upang mapanatili ang kapayapaan sa kanilang lugar.






Share article on: