Mayor Marcy, Mga Marikenyo Ipinagpatuloy Taunang Ahunan sa Antipolo

PIO Department

2018-6-5

Share article on:

Katulad ng nakagawian na ang unang araw ng Lunes sa buwan ng Hunyo ay tinaguriang araw ng “Ahunan sa Antipolo ng mga taga-Marikina”, masayang idinaos ng mga Marikenyo ang tradisyong ito kahapon ng umaga, Hunyo 4.

Ganap na 4:00 ng madaling araw nang magtipon-tipon ang mga kalahok na mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Marcy R. Teodoro, at mga nananampalataya mula sa iba’t ibang parokya ng Marikina para sa isang prusisyong sinimulan sa Taktak Road patungo sa National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage  na mas kilala bilang Antipolo Cathedral.

Bago sumapit ang 6:00 ng umaga ay nagsimula nang lumakad ang prusisyon na sa dakong hulihan ay itinampok ang imahe ni Nuestra Señora delos Desamparados o Our Lady of the Abandoned, ang patron ng Marikina.



 







Sa bukana ng Cathedral ay sinalubong sila ng isang masiglang katutubong sayaw ng Marikina, ang “Lerion,” na tinampukan ng Marikina Cultural Group. Ang tanyag na Rondalla Marikina Band ang siyang tumugtog sa kanilang pagsasayaw.





 



Pagsapit ng 7:00 ng umaga ay ipinagdiwang ang Banal na Misa sa Antipolo Cathedral sa pangunguna ni Cathedral Rector Rev. Fr. Nante Tolentino.





 



Sa kanyang mensahe sa bahagi ng pagtatapos ng Banal na Misa, nagpahayag ng taus-pusong pasasalamat si Mayor Marcy sa mainit na pagtanggap ng pamunuan ng Lungsod ng Antipolo. Siya rin ay nagpasalamat sa pagsusumikap ng mga Marikenyo na nakarating sa Ahunan ngayong taon.



 

“Nagpapasalamat ako sa inyo na nakarating dito.  Umaasa ako na bilang pagpapatuloy ng ating tradisyon,  sa mga susunod na taon ay higit pa tayong dadami at magpapahayag ng kaisahan sa pag-ahon sa Antipolo,” wika ni Mayor Marcy.



 





Matapos ang Banal na Misa, isinagawa ni Mayor Marcy ang isang Courtesy Call kina Antipolo Mayor Jun Ynares at Vice Mayor Josefina Gatlabayan.


(Para sa karagdagang mga litrato kuha mula sa Ahunan, pakitingnan rito:

https://www.facebook.com/pg/Super-Gatbu-200400933624942/photos/?tab=album&album_id=666263137038717 )

Share article on: