Mayor Marcy Nanawagan ng Preemptive Evacuation; Mga Marikenyo Pinag-iingat

PIO Department

2018-9-15

Share article on:

Nagsagawa ng malawakang preemptive evacuation sa Marikina City ngayong araw ng Sabado, Setyembre 15, matapos umakyat ang tubig sa Marikina River sa 17.1 meters. Ito ay ayon na rin sa panawan ni Mayor Marcy Teodoro upang masigurong ligtas ang mga mamamayan sa bagyong si Ompong.

Bandang 3:30 ngayong hapon, may 3,648 na pamilya at 19,410 na mamayan ang lumikas sa mga evacuation centers sa lungsod. Nagsimulang manawagan si Mayor ng preemptive evacuation mula pa kagabi na sinunod naman ng mga residente, lalo na iyong mga nasa mababang lugar at malapit sa ilog. Bandang 3:50 ngayong hapon ay bumaba na ang tubig sa ilog sa 16.8 meters.

Nanawagan din si Mayor sa mga mamamayan na mag-ingat sa napakalakas na hangin na dulot ni Ompong. Kahapon ng hapon, dinaanan ng buhawi ang ilang bahagi ng Brgy. Sta. Elena at Brgy. San Roque na naging sanhi upang mabuwal ang mga puno, masira ang mga bubong ng Kapitan Moy at ibang mga kabahayan rito.

Pansamantalang nawalan ng kuryente kagabi sa ilang barangay ng Marikina dahil dito, pero madali rin namang naayos at naibalik ang ilaw.

Sa pamumuno ni Mayor Marcy, na agad na sumugod sa Kapitan Moy at Shoe Museum bandang 6:00 kagabi, agad na nagsagawa ng clearing operations. Agarang nalinis ang mga natumbang puno na pansamantalang naging sagabal sa daan.

Halos walang tigil si Mayor Marcy sa pangangasiwa ng mga dapat na gawin upang maging ligtas ang mga mamamayan sa bagyong si Ompong na nanalanta sa ilang mga lugar sa bansa tulad ng Ilocos, Cagayan at Isabela.




Bago pamunuan ang clearing  operations sa Brgy. Sta. Elena kagabi, nagpatawag ng emergency meeting si Mayor upang paghandaan ang bagyong si Ompong bandang 4:00 ng hapon kahapon. Matapos ang meeting, nagtungo si Mayor sa palengke bandang 5:45 upang asikasuhin ang dalawang taong nabagsakan ng nalagot na powerline.

Matapos masigurong maayos na ang kalagayan ng dalawa, nagtungo na si Mayor sa Kapitan Moy at Shoe Museum upang pamunuan ang paglilinis ng mga punong nabuwal dito dahil sa ipo-ipo at sigurohing maaayos agad ng kuryente. Hindi umalis si Mayor kahit madaling araw na hangga’t hindi naibabalik ang kuryente sa mga lugar ng lungsod na naapektuhan ng ipo-ipo.

Hindi pa man halos nakakapagpahinga ay naging abala na ngayong araw ng Sabado si Mayor sa pangagasiwa ng mga evacuation centers at pamumuno sa command center ng Marikina City Rescue 161.

Kanina ay nanawagan si Mayor sa mga mamamayan na mag-ingat sa malakas na haging dulot ng bagyong si Ompong.

Narito ang pahayag ni Mayor:

“Manatili sa loob ng tahanan ang lahat para sa kaligtasan mula sa disgrasyang maaaring idulot ng napakalakas na hangin. Kung hindi naman lubos na ligtas sa inyong tahanan, magsagawa ng pre emptive evacuation sa mga evacuation centers o sa ibang mas matibay at ligtas na istruktura kung may pagbaha at malakas na paghangin na magaganap sa inyong lugar. Gayundin, kung gawa sa light materials ang inyong tahanan at may peligro na dulot ang malakas na paghangin makakabuting magtungo na agad sa mga evacuation centers. Sumunod sa mga paalala ng kaligtasan at magmonitor ding mabuti sa early warning system sa Marikina River bilang kahandaan sa maaaring pagbaha. Mabuting maging ligtas sa lahat ng pagkakataon.


Abala din ang lahat ng opisyales at mga kawani ng Pamahalaang Lokal sa pangangasiwa ng mga evacuation centers. Ang Marikina Rescue161 naman ay nakipag-ugnayan na sa Coast Guard Auxiliary upang mapanatiling ligtas ang Lungsod ng Marikina.

Wala ring tigil ang Marikina Public Information Office (PIO) at Rescue 161 sa pagbibigay ng mga latest updates tungkol sa bagyo at sa level ng tubig sa Marikna River.


 

Share article on: