Mga Suking Tindahan sa Marikina, Dinadagsa ng mga Mamimili

PIO Department

2018-8-24

Share article on:

Nagdagsaan ang mga mamimili sa tatlong pioneering “Suking Tindahan” sa loob ng Marikina Public Market matapos malaman nila mula sa mga balita sa TV at dyaryo na ang mga tindahang ito ay nagbebenta ng mga produkto tulad ng mga pagkain sa mababang halaga at pasok sa suggested retail prices (SRP).

Matatandaang noong Agosto 15, inilunsad ng Depatment of Trade and Industry (DTI) ang Suking Tindahan sa Marikina Public Market. Sa naturang paglulunsad, tatlong tindahan sa palengke ang nabigyan ng Sukint Tindahan seal ng DTI, pagpapatunay na sila ay nagbebenta ng mga paninda ayon sa SRP ng DTI.

Ang tatlong tindahang ito ay ang Noel and Jenny Store, Francing Store at Lacson Store. Ang mga may-ari ng mga tindahang ito ay aming nakapanayam sa loob mismo ng kanilang mga tindahan, ang iba ay habang abala sa pag-aasikaso ng kanilang mga kustomer ng araw na iyon.

“Dumami ang namimili. Kasi napanood nila sa TV. Kinabukasan, sabi ng mga namimili, ito nga raw ang tindahan na nafeature sa TV. Kaya ayun dito sila na namimili. Tumaas ang benta nami ng mga 20 percent,” sabi ni Jennifer Laqui, may ari ng Noel and Jenny Store.

Ayon kay Jennifer,  talagang sinusunod niya ang SRP at ang mga presyong bigay sa kanila ng mga ahente ng mga produkto upang masigurong ito ay kayang-kaya ng kanilang mga mamimili. Sa katunayan, ang isang lata ng sardinas ay binebenta nila sa P15.20, mas mababa kesa sa P18 to P19 na presyo sa ilang sari-sari store.

“Siyempre kung malapit lang naman ang bahay mo dito sa palengke, dito ka na bibili di ba? Minsan kais ang taas ng patong ng ibang mga sari-sari store,” dagdag pa ni Jennifer.

Sang-ayon naman rito si Ted Dimaranan, na siyang namamahala sa Francing Store.

“Dumami ang namili. Siyempre nalaman nila na isa kami sa Suking Tindahan ng DTI, na-curious sila, kaya pumunta sila. Nagtatanong, tapos mamimili. Nakita nga daw nila sa news sa TV,” sabi ni Ted, na nakapanayam ng ilang TV reporter sa mismong araw ng launching ng programang Suking Tindahan noong Agosto 15.

Masabayan mga Groceries

Ayon kay Ted, kailangan nilang magbenta ayon sa SRP para maging competitive sila sa mga malalaking grocery stores at hindi sila iwanan ng kanilang mga suki.

“Hindi naman kailangang malaking-malaki ang tubo. Kailangang masabayan mo ang mga presyo sa mga grocery. Mababa ang presyo sa grocery dahil may volume discount at may display allowance ang mga iyan,” wika ni Ted.

Si Julie Lacson naman na may-ari ng Lacson Grocery ay umaasang mas marami pang mamimili sa kanila ngayong isa na itong Suking Tindahan ng DTI.

“I’m hoping na  mas makikilala pa kami ng mas nakararami. Hindi lang sa area namin ng Sta. Elena kundi sa ibang lugar din sa Marikina,” sabi ni Julie. “Sa ngayon, na-no-notice ng mga mamimili na may seal kami ng DTI kaya alam nilang ang mga presyo namin ay mababa. So iyon ang hinahanap nila.”

Ang paglulunsad ng programa ay nataon din sa ginawang special monitoring ng mga presyo at supply sa palengke ng DTI, ilang araw matapos salantain ng bagyong si Karding ang Lungsod ng Marikina.

Sabi ni Julie, siya ay nakikisimpatiya sa mga nasalanta ni Karding, lalo na iyong mga binaha ang mga bahay.

“Sa akin kasi ang talagang dahilan ay upang makatulong ka. Dumaan kasi kami sa bagyo at baha dito sa Marikina. Every time may sakunang ganoon, iyon ang way upang makatulong ka sa kapwa mo na taga-Marikina. Wag mong taasan ang presyo. Nabiktima na iyan ng sakuna, nabaha na, tapos mamahalan mo pa ang presyo ng paninda mo na kakainin nila. Bakit hindi mo pa ibigay sa tamang presyo sa kanila. Para makatulong ka na rin,” sabi pa ni Julie.

Umaasa naman si Ma. Lourders "Lou" Dela Paz, officer-in-charge ng Trade and Industry office ng Marikina, na mas marami pang tindahan sa lungsod ang makakasali sa Suking Tindahan program upang mas marami pang Marikenyo ang makinabang sa programang ito ng DTI.


Share article on: