Seguridad sa Marikina, Lalong Pinagtibay ni Mayor Marcy

PIO Department

2018-5-11

Share article on:

Lalong pinaigting ang kaligtasan at seguridad ng bawat mamamayan ng Lungsod ng Marikina sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marcy.

“Seryoso tayong siguraduhin ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” sabi ni Maror Marcy matapos niyang pangunahan noong Huwebes, Mayo 10, ang pagpapasinaya sa building proposal ng isang gusaling may pitong palapag na magsisilbing headquarters ng Marikina City Philippine National Police (PNP).

Itatayo ang gusali sa Brgy. Fortune at inaasahang ito ay magkakaroon ng indoor shooting range, lockers, tactical operation center, at iba pang mga pasilidad na makakatulong upang lalo pang lumakas ang kakayahan ng mga pulis na mapigilan at masugpo ang krimen sa siyudad ng Marikina.

Bago ang pagpapasinaya ng pinaplanong gusali, kasama din ang Ama ng Lungsod sa turn-over ceremony ng mobile patrol cars para sa PNP-Eastern Police District (EPD) na idinaos sa Plaza Delos Alcaldes sa harap mismo ng Marikina City Hall. Pinangunahan ito ni EPD Chief Superintendent Reynaldo Biay.





Kasama ni Mayor Marcy si Marikina PNP Chief PSSuperintendent Roger Quezada sa pagtanggap ng pitong mobile patrol cars para sa Marikina police. Ang pitong patrol cars ay bahagi ng 28 na sasakyan na ipinamahagi sa mga himpilan ng kapulisan na sakop ng EPD katulad ng mga siyudad ng Pasig, Mandaluyong at San Juan.

Sa nasabing seremonya, tumanggap din ng mobile patrol car ang District Headquarters, District Mobile Batallion at isang sasakyan na Innova para sa tanggapan ng District Director.

Ang pitong bagong patrol cars ng Marikina ay karagdagang magagamit ng kapulisan ng lungsod bukod pa sa kasalukuyang 30 na sasakyan na nagagamit ng 16 na barangay ng lungsod.

Sa nakalipas na 690 days ng kaniyang panunungkulan bilang Mayor ng Marikina, sobrang suporta ang ibinigay ni Mayor Marcy sa kapulisan kabilang na ang pagtatag ng 16 na presinto sa 16 na barangay ng lungsod, 16 na Adventure police patrol cars, 88 units na brand new Armscor na baril, at iba’t iba pang logistical support.

Isa sa mga layunin ng administrasyon ni Mayor Marcy ay mapanatili ang kapayapaan sa lungsod at mapuksa ang mga kriminal at ang kanilang masamang mga aktibidad sa Marikina.

Matatandaang nitong nakaraang buwan ay sinalakay ni Mayor Marcy at mga kapulisan ang isang shabu laboratory sa isang subdivision sa lungsod.

Share article on: