Bagong Kasal na Tinamaan ng Buhawi ang Reception, Sinorpresa ni Mayor

PIO Department

2018-9-19

Share article on:

May sorpresa si Mayor Marcy Teodoro sa bagong kasal na tinamaan ng buhawi ang kanilang reception sa Kapitan Moy noong Setyembre 14, araw ng Biyernes.

Pina-refund ni Mayor Marcy ng buo ang ibinayad ng mag-asawa sa Kapitan Moy at nakuha nila ang pera kahapon sa City Hall. Bukod pa rito, sinagot ng kaibigan ni Mayor na si Bonnie Chu, may-ari ng Grand Cobo Events Place sa Marikina, ang pangalawang reception sa Oktubre 18.

Matatandaang kakasimula pa lamang ng pagsasaya ng mga bagong kasal na sina PO1 Randy Manaois at Jennifer (Jhen Jhen) at ang kanilang mga bisita sa reception na ginanap sa Kapitan Moy nang tamaan ng buhawi ang ilang bahagi ng Brgy. Sta. Elena at Brgy. San Roque, dahilan upang matanggal ang bubong ng Kapitan Moy. Nawalan  din ng kuryente sa mga lugar na dinaanan ng buhawi kabilang na ang Kapitan Moy.

Dahil sa buhawi ay natigil ang naturang kasayahan ng mga bagong kasal at ng kanilang mga bisita. Kaya naisipan ni Bonnie na bigyan ulit ng pagkakataon ang mag-asawa  at ang kanilang mga bisita na ituloy ang naudlot na reception.


Sa pangalawang reception na gaganapin sa Grand Cobo Events Place ay sinagot na rin ni Mayor Marcy ang sound system, mga mesa at upuang gagamitin dito.

Sinagot din ni Mayor ang honeymoon date ng mag-asawa sa Misibis Bay sa Cagraray Island, Albay, sa Oktubre 19 hanggang 21.

Ang isa pang kaibigan ni Mayor na si Neil Nepomuceno na napadaan sa City Hall kahapon ay sinagot naman ang mga sapatos ng mag-asawa. Nag-pledge naman ng libreng hair at make-up sa mag-asawa si Malou Pablo Hibaler,  samantalang sina Alex Garcia at Geraldine Garcia, may-ari ng Auto Dress Code, ay nangako naman ng 1935 GM Business Coupe Bridal Car na gagamitin ng mag-asawa.

Tunay ngang sa tuwaing may kamalasang darating sa ating buhay ay huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Sa halip ay patuloy tayong manalig sa Diyos at may darating na grasya at swerte na pupunan ang anumang kamalasang dumating sa ating buhay.

Patunay rito ay ang bagong kasal na sina Randy at Jhen Jhen.

Share article on: