Bagong Patrol Cars Ipagkakaloob sa Pulis Marikina

PIO Department

2020-2-20

Share article on:

Masayang ibinida ni Mayor Marcy Teodoro sa mga kapulisan ng Marikina na mayroong bagong mobile patrol cars na ibibigay sakanila ng lokal na pamahalaan upang lalo pang palakasin at palawakin ang police visibility sa lungsod.


Siyam na Police Community Precincts (PCPs) sa Marikina ang makikinabang sa pagkakaroon ng mga bagong sasakyan. Ito ay dagdag sa kasalukuyang mobile patrol cars ng Marikina Police na magagamit nila sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa syudad.


Ang magandang balita ito ay inanunsyo ni Mayor Marcy sa unang pagkakataon na pagdalaw ng buong puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Miyerkules ng nakaraang linggo, Pebrero 12.


Pinangunahan ni Police Major General Debold Sinas ang pagbisita sa tanggapan ni Mayor Marcy sa City Hall. Kasama rin ni Maj. Gen. Sinas sina Eastern Police District (EPD) director Brigadier Gen. Johnson Almazan at Marikina Police chief Col. Restituto Arcangel.






“Ang suporta namin sa police ay hindi lang pisikal o materyal, more importantly, we treat them as brothers and sisters,” sabi ni Mayor Marcy.


Ipinagmaneho ni Mayor Marcy si Maj. Gen. Sinas at nilibot nila ang mga kalsada sa paligid ng City Hall sakay ng bagong Morris Garages o MG Cars na ipagkakaloob sa Marikina Police.




Bukod sa mga bagong mobile patrol cars, kasalukuyan din tinatayo sa lungsod ang walong palapag na himpilan ng pulis sa Brgy. Fortune.


Ayon kay Mayor Marcy, ang gusaling ito ay magkakaroon ng interrogation room, tactical operations room, evidence room, firing range at barracks.


Malaki ang suporta ng Pamahalaang Lungsod sa NCRPO at sa lokal na kapulisan sa Marikina dahil sa pagsisikap nito na mai-resolba ang mga krimen na nagagaganap sa lungsod. Base sa datos mula sa Marikina Police, ang kasalukuyang rate of crime solution efficiency index ng lungsod ay 73 porsyento, samantalang 94 porsyento ang binaba sa antas ng kriminalidad.


“Mahal ng Marikina ang pulis, hindi dahil kailangan sila, ngunit dahil sila ay kinalakhan na sa komunidad,” sabi ni Mayor Marcy.



Batid ni Mayor Marcy ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagkakaisa ng komunidad at kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa buong pamayanan. At ikinagagalak niya na sa Marikina, laging nagtutulungan ang komunidad at mga kapulisan sa pagsugpo ng krimen.


Sa pahayag ni Maj. Gen. Sinas, sinabi nito na ang Marikina ay madalas nilang tinuturing na modelo pagdating pagkakaroon ng magandang ugnayan sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Philippine National Police (PNP).


“Ang dami na naming program na ang palaging ginagamit na template is itong Marikina kasi noon pa man it is already established,” sabi ni Maj. Gen. Sinas.


Nagpasalamat din ang pinuno sa suporta ni Mayor Marcy sa lokal na kapulisan at sa mainit na pagtanggap sakanya at ng buong NCRPO.

Share article on: