Balik Eskwela Fair sa Marikina Na-extend Hanggang Hunyo 17

PIO Department

2018-5-31

Share article on:

Pinahaba pa ng isang linggo o pitong araw ang  back to school fair sa Marikina upang mas marami pang mga magulang at estudyante ang makabili ng mga sapatos at bag sa mas mababang halaga kesa sa mga presyo nito sa mga mall at iba pang pamilihan.

May temang “Balik Eskwela, Gamit Sapatos Marikina,” ang bazaar ay pormal na binuksan ni Mayor Marcy noong Mayo 21 at dapat ay magtatapos ito sa Hunyo 10. Pero napagdesisyonan ng Lokal na Pamahalaan at ng mga manggagawa ng sapatos ng lungsod na kalahok sa bazaar na ito ay i-extend ng pitong araw pa hanggang Hunyo 17.





Bago ang pormal na pagbubukas ng bazaar, nagkaroon ng soft opening ito noong Mayo 17, kung saan nag-umpisa ng magtinda ng kanilang mga produkto ang mga kasaling manggagawa ng sapatos.

Taon-taon ay ginagawa ang bazaar na ito na ang layunin ay makatulong sa mga magulang na makabili ng abot-kaya o factory-priced na mga sapatos at bag na matibay at komportable para sa kanilang mga anak na papasok sa paaralan.

Layunin din ng proyektong ito na mas lalo pang makilala at lumawak ang mga tumatangkilik sa mga sapatos na gawa sa Marikina, ang tinaguriang “Shoe Capital of the Philippines” dahil dito nag-umpisa ang industriya ng paggawa ng sapatos sa bansa.

Ang back to school fair ay idinaraos sa kahabaan ng Shoe Ave. sa Brgy. Sta. Elena, malapit sa City Hall ng Marikina. Nagbubukas ang mga tindahan rito ng 9 ng umaga at nagsasara ng 7 ng gabi mula Lunes hangang Huwebes. Mula Biyernes hanggang Linggo, bukas ito mula 9 ng umaga hanggang 8 ng gabi.

Share article on: