Buhay na Buhay ang “Bayanihan” sa Marikina

PIO Department

2018-8-14

Share article on:

Napakasarap mamuhay sa mundo kung saan lahat ay nagtutulungan at nagdadamayan, lalo na sa panahon ng kalamidad. Sa Pilipinas, ito ay tinatawag na “bayanihan,” isang tradisyon na minana pa nating mga Filipino sa ating mga ninuno.

Sa Marikina City na sinalanta ng bagyong si Karding noong Sabado at Linggo, ay buhay na buhay ang bayanihan. Dito sa Marikina, ang mga estudyante, mga guro, sundalo, ginang ng tahanan, nurse, doctor, negosyante, mga kawani ng City Hall, at marami pang iba, ay tulong-tulong upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyo, lalo na iyong mga lumikas sa mga evacuation centers.

Ang iba sa kanila ay nasa kusina sa second floor ng Marikina Sports Center at nagluluto ng pagkain, ang iba ay namimigay ng pagkain sa mga evacuation centers. Ang iba ay nag-eempake ng mga damit, kumot at iba pang relief goods sa third floor ng naturang gusali na malapit sa City Hall ng Marikina.


Ang bagyong si Karding ay nagpalala sa habagat at nagdulot ng walang humpay na ulan na naging dahilan upang umakyat sa lagpas sa 20 meters ang tubig sa Marikina River noong Sabado. Dahil dito, nagkaroon ng forced evacuation sa mga nakatira malapit sa ilog at sa mga mabababang lugar ng siyudad. Si Mayor Marcy Teodoro mismo ang nangasiwa sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo. Walang tigil siyang nagtratrabaho habang patuloy ang pag-ulan.

May 20 na evacuation centers sa siyudad kung saan mahigit 20,000 na mamayan ang pansamantalang nanunuluyan habang baha pa sa kani-kanilang kabahayan.

Dahil dito, maraming mga mamamayan na nakatira sa Marikina at iba pang lugar sa Metro Manila ang dumagsa sa Marikina Sports Center upang tumulong sa mga nabiktima ng bagyo.

Inspirasyon si Mayor Marcy

Ayon sa karamihan sa mga taga-Marikina na nag-volunteer sa Marikina Sports Center, sila ay na-inspire sa sipag at dedikasyon ni Mayor Marcy na matulungan ang mga Marikenyo.

Isa sa mga nag-volunteer ay si Lanie Anne Rebano, isang nursing professor sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar).

“Most of us here are affected by the flood, especially the students. But we are not just thinking about ourselves but about other people who are severely affected by the flood and the typhoon,” sabi ni Lanie Anne, na tumutulong sa pag-prepare ng pagkain kasama ang ibang volunteers ng aming makausap.

“We are here in the spirit of bayanihan. Hindi lang namin iniisip ang sarili namin but more importantly ang mga taong higit na naapektuhan at pwede naming matulungan with our simple way of helping out,” sabi ni Lanie Anne.

Mahigit 500 na estudyante at guro mula sa PLMar ang nag-volunteer mula pa noong Sabado. Sabi ni Lanie Anne patuloy silang mag-tratrabaho sa sports center hangga’t kailangan pa ang kanilang serbisyo.

Ayon naman sa PLMar Criminology student na si Crismar Leones: “Nandito po ako dahil gusto ko pong tumulong. Meron rin po akong mga kamag-anak na nasalanta rin po ng bagyo at binaha rin po. Mga taga-Tumana po sila. Kami pong hindi naapektuhan ng bagyo, gusto rin po naming tumulong kasi sinusuportahan namin ang programa ni Mayor Marcy na tumulong sa mga nasalanta ng bagyo.”

Ang 18 taong gulang na si Crismar ay nasa first year college na at sabi niya siya ay nagbo-volunteer na mula pa noong siya ay nasa high school.

“Kahit po nabaha kami, tutulong pa rin po ako dahil nasa puso ko po ang tumulong,” dagdag pa ni Crismar na kasama ang 18 pang Criminology students na tumutulong magluto at magdala ng pagkain sa mga evacuation centers.


Si Hadji Tejada, isang guro sa Sta. Elena High School, ay nagbo-volunteer din kasama ang iba pang mga guro at mga parents ng mga estudyante ng naturang paaralan.

“Hindi man kami makatulong direkta sa pinansiyal, at least labor man lang ay masuportahan namin ang mga nasalanta nating kababayan,” ayon kay Hadji, na nagtuturo ng Physical Education, Arts at Music.

Sabi ni Hadji, naging inspirasyon niya si Mayor Marcy sa pagtulong sa kapwa.

“Napakasipag ni Mayor Marcy. Sinisiguro niyang lahat ng tao ay matulungan at matugunan ang pangangailangan 24/7. Kakaiba ang mayor namin sa Marikina. Nakaka-inspire ang sipag niya. Pagdating sa tao, full-force siya sa pagtulong,” wika ni Hadji.

Nakakatuwang isipin na ang bayanihan ay patuloy na nasa puso nating mga Filipino, lalo na ng mga Marikenyo. Ayon nga kay Lanie Anne: “Ano ang bayanihan? Kung sino po ang nangangailangan ng tulong lalo na sa oras ng kalamidad, huwag mo ng isipin ang sarili mo, kundi kung sino ang mas nangangailangan ng iyong tulong.”

(Photos courtesy of Mae Pontevedra Patactacan of Marikina Tourism Office)

Share article on: