City Hall Mahigpit na Binabantayan ang Marikina River Matapos ang Paglutang ng mga Baboy Dito

PIO Department

2019-9-16

Share article on:

Ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro ay mahigpit na binabantayan ang lagay ng pangunahing daluyan ng tubig sa lungsod. Ito ay matapos na matagpuang palutang-lutang at anudin sa Marikina River ang tinatayang 58 na patay na mga baboy.


Ang mga baboy na ito ay hinihinalang namatay dahil sa African Swine Fever (ASF) na ang unang kaso sa bansa ay naiulat na pumasok noong nakaraang linggo lamang. 


Ang ASF ay isang malubhang sakit na nakakaapekto sa mga alagang baboy. Ang paglaganap nito ay maaaring maging sanhi ng pagkalugi ng mga negosyo.


“Hindi basurahan ang mga ilog, sapa natin. Kailangan mawala ang kaisipang ito. “ sabi ni Mayor Marcy sa isang panayam sa TV.


Personal na nag-inspeksyon si Mayor Marcy sa paligid ng Marikina River. Ayon sakanya, kailangan na mayroon managot sa mga lumutang na baboy dahil ito ay isang malinaw na paglabag sa Philippine Clean Water Act of 2004 o Republic Act No. 9275 na naglalayong protektahan ang mga anyong tubig sa bansa mula sa polusyon na galing sa mga land-based resources.


Nais ni Mayor Marcy na magkaroon ng civil liability ang mga taong sangkot sa pangyayaring ito at panagutan ang pinsalang kanilang dinulot.




Inabisuhan ni Mayor Marcy ang Department of Agriculture upang magsagawa rin ng imbestigasyon at papanagutin ang mga taong responsable sa pangyayaring ito.


Patuloy din na iniimbestigahan ng mga tauhan ng City Hall mula sa City Veterinary Office at Marikina Rescue 161 ang pangyayari ito at kung saan nagmula ang mga baboy. Hinihinalang ang mga ito ay nanggaling sa upstream sa bandang probinsya ng Rizal.




Ang mga natagpuang namatay na baboy sa Ilog ng Marikina ay agad na ipinabaon at inilibing sa sampung talampakang dumpsite sa Brgy. Calumpang upang makaiwas sa posibleng pagkalat ng virus na maaaring idulot nito.


Pansamantala naman ipinagbawal ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina ang pangingisda at iba pang aktibidad sa paligid ng Marikina River.




Ipinasusuri rin ang tubig sa lungsod para malaman kung gaano ito ka-contamido. Kumuha rin ng mga isda sa ilog para suriin.


“Health hazzard ito. Maraming airborne bacteria o pathogens na maaaring makuha doon sa bulok na katawan ng hayop,” sabi ni Mayor Marcy.


Tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na walang direktang epekto ang ASF sa mga tao. Gayunpaman, mariing minungkahi na tiyakin ng mga mamimili na mayroong Meat Inspection Certificate ang mga pagbibilihan ng karne ng baboy upang masiguro ang kanilang kaligtasan.


Asahan na magiging mahigpit pa ang pagbabantay ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa Marikina River kung sakaling maulit ang insidenteng ito.

Share article on: