Dalawang Traysikel na May Prangkisa, Alay ni Mayor Marcy sa BFMACTODAI

PIO Department

2018-3-7

Share article on:

Nagbigay si Mayor Marcy Teodoro ng dalawang bagong traysikel na may kasama ng prangkisa sa Brgy. Fortune Marikina City Tricycle Operators and Drivers Association Inc. (BFMACTODAI)  bilang tugon sa hiling ng pangulo ng grupo.


Pinangunahan ni Mayor Marcy ang pagpapasinaya sa dalawang traysikel doon mismo sa lugar kung saan may paradahan ang BFMACTODAI sa Brgy. Fortune.


Sa nasabing okasyon, na nilahukan ng halos 200 na miyembro ng BFMACTODAI, mga opisyales ng barangay at ng city hall, ibinigay ni Mayor ang resibo, susi at certificate of registration ng dalawang sasakyan sa mga lider ng grupo ng mga drayber at operator ng traysikel.




Ayon kay Mayor Marcy, personal nyang pera ang ginamit sa pagbili ng dalawang traysikel, tanda ng kanyang pagmamahal sa mga maliliit nating kababayan sa lungsod.


“Malakas kayo sa akin. Mahal ko kayo,” sabi ni Mayor Marcy sa isang maiksing talumpati. “Inaalala ko ang mga miyembro ninyo. Alam kong malaking problema ninyo ay ang kakulangan ng traysikel na mailalabas dahil mas madami ang drayber dito kesa sa traysikel. Ang  iba pang traysikel ay ang operator mismo ang namamasada.”


Nagbigay ng traysikel si Mayor Marcy sa grupo dahil alam nyang nagsusumikap ang mga kasaping drayber nito para sa kanilang mga anak at pamilya. Sabi pa ni Mayor, hindi alintana ng mga drayber kung pagod na ang kanilang mga kamay sa maghapong pamamasada basta maitawid lamang nila ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.


Alagaan Nyong Mabuti


“Ito ay pinag-ipunan ko, bahagi ng sweldo ko. Kaya sana ay alagaan ninyong mabuti ang mga traysikel na ito,” dagdag pa ni Mayor, na hinimok din ang mga taga Brgy. Fortune na maging mapagbigay ng kahit ngiti lamang sa kanilang kapwa.


“Lagi nyo sanang alalahanin, kapag ikaw ay nagbigay ng may kaluguran, ito ay babalik sa iyo ng siksik, liglig at umaapaw. Sana maging instrumento tayo ng kabutihan. Sa iyong pamamasada, batiin mo ang iyong pasahero ng magandang araw na may ngiti,” sabi na pa ni Mayor Marcy. “Ang makapag-pagaan ka ng kalooban ng iyong kapwa ay isang kabutihan na iyon.”





Ayon naman kay Nestor Toledana, presidente ng BFMACTODAI, sa 190 nilang miyembro, humigit kumulang na 91 lamang ang traysikel na kanilang naipapasada. Kaya ang iba ay walang mailabas at hindi kumikita. Dahil dito, naisipan nyang humiling ng bagong traysikel kay Mayor Marcy.


Ang dalawang bagong traysikel, na magiging pag-aari ng BFMACTODAI, ay ipapapasada sa mga drayber na miyembro ng asosasyon at may boundary na P200 bawat araw. Ang boundary ay iipunin ng grupo upang makabili ulit ng bagong traysikel, ayon pa kay Mang Nestor na labis-labis ang pasasalamat kay Mayor Marcy.

Share article on: