DTI Inilunsad ang Suking Tindahan Program sa Marikina Ngayon

PIO Department

2018-8-15

Share article on:

Upang mapanatiling makatwiran at sulit ang presyo ng mga bilihin sa mga palengke at tindahan sa buong bansa, inilunsad ngayong araw na ito ng Miyerkules sa Marikina ang programa ng Department of Trade and Industry (DTI) na Suking Tindahan.





Sa pangunguna ni DTI Secretary Ramon Lopez at Mayor Marcy Teodoro, ang proyektong ito ay inilunsad kaninang umaga sa Marikina Public Market. Kasama rin sa naturang paglulunsad sina DTI Undersecretary Ruth Castelo at ang mga Konsehal ng Lungsod ng Marikina.




Sa ilalim ng programang ito, hihimukin ng DTI ang mga sari-sari store at iba pang tindahan sa bansa kasama na ang mga nasa Marikina na ibenta ang kanilang mga produkto ayon sa suggested retail price o SRP mula sa DTI. Ito ay upang maiwasan ang hindi makatwirang pagtaas ng mga presyo ng bilihin, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Ang mga tindahang lumahok sa programang ito ay nilagyan ng Suking Tindahan Seal upang malaman ng mga mamimili na ang presyo ng mga bilihin rito ay sumusunod sa SRP ng DTI.



Nagdaos din kanina ng Special Price and Supply Monitoring ang DTI at ang Pamahalaang Lokal sa pamumuno ni Mayor Marcy sa palengke upang masigurong may kaukulang supply ng mga bilihin sa siyudad katulad ng mga pagkain at iba pang mga kailangan ng mga Marikenyo sa araw-araw.

Siniguro rin ng DTI at Pamahalaang Lokal na hindi nagtaas ng presyo ang mga nagtitinda sa Marikina lalo pa’t sunod-sunod ang bagyong dumaan sa lungsod.

Share article on: