Flushing Operation Isinasagawa sa mga Kalsada sa Marikina

PIO Department

2020-1-15

Share article on:

Nakagawian na sa iba’t ibang lansangan sa Marikina ang flushing operation. Ito ay ginagawa ng mga tauhan ng City Hall sa pamamagitan ng pag-spray ng may mataas na pressure ng tubig sa kalsada o daanan.


Madalas itong isinasagawa tuwing Huwebes ng gabi paikot ng Pamilihang Lungsod ng Marikina upang mapanatili ang kalinisan at maalis ang hindi magandang amoy sa paligid ng palengke.



Sa nagdaang araw, ang flushing operation sa Marikina ay naging paraan ng Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro upang mapangalagaan ang mga Marikenyo at masigurong ligtas ang publiko sa masamang epekto ng paglanghap ng ashfall sa kalusugan.




Matatandaan na umabot sa lungsod ang abo mula sa pagputok ng Bulkang Taal noong Linggo, Enero 12.


Kaya naman agarang sinimulan ng mga tauhan ng City Hall ang kanilang flushing operation sa mga kalsada sa Marikina. Kasunod nito ang mga pampublikong paaralan sa lungsod habang ang mga klase ay pansamantalang kinansela ni Mayor Mayor.




Prayoridad ni Mayor Marcy ang kalusugan ng bawat Marikenyo at mabigay ang pangunahing pangangailangan ng mga ito kaya niya pinag-utos ang flushing operation sa buong lungsod upang mabawasan ang abo at alikabok na nasa paligid at maiwasan na makapagdulot ito ng sakit sa baga sa mga tao.


Sinuguro ni Mayor Marcy na ang lahat ng tauhan ng City Hall ay may suot na face mask higit sa lahat ang flushing crew upang hindi nila malanghap ang mga alikabok.



Bagama’t kinumpirma ng Department of Health (DOH) na hindi apektado ang Metro Manila sa ashfall mula sa Bulkang Taal, mariing na pinag-iingat parin ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina ang bawat residente.


Mga litrato mula kay Danilo Delos Reyes, Robert RT Torres at Marikina Public Market.

Share article on: