Gamit na Mantika Pinakikinabangan sa Marikina

PIO Department

2019-6-13

Share article on:

Basura ang tinuturing na pangunahing sanhi ng pagbaha sa tuwing lalakas ang pagbuhos ng ulan. Ngunit maliban dito ay ang mga gamit na mantika o used cooking oil na nagdudulot din ng pagbara sa mga daluyan ng tubig sa lungsod.


Kaya naman prayoridad ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro ang pagpapalaganap ng kaalaman sa tamang pagtatapon ng basura at mga gamit ng mantika.


“Isa sa mga contributor ng flooding hindi lamang sa Marikina kundi pati na rin sa ibang lungsod ay ang improper disposal ng mga used cooking oil. Ang mga gamit ng mantika kung matagal na mamamalagi sa mga wastewater systems ay maaaring mabuo o maging sebo na nagdudulot ng pagsisikip sa mga daluyan ng tubig,” sabi ni Renan Mateo, hepe ng information education at communication division ng City Environmental Management Office (CEMO) sa isang panayam na ginawa ng Marikina Public Information Office (PIO).


Ang mga mantikang ginamit sa pagluto na basta lamang itinapon sa mga drainage ay madaling manigas at mag sebo kaya naman gumawa ng paraan ang Lokal na Pamahalaan para bigyan ng pagkakataon ang mga Marikenyo na maging responsableng mamamayan.


Simula pa noong 2008, ipinapatupad na sa Lungsod ng Marikina ang pagkolekta sa mga gamit ng mantika upang ito ay hindi magdulot ng pagbabara sa mga daluyan ng tubig sa lungsod tulad ng mga kanal at maresikulo bilang laryo sa mga aspalto at bangko.


Ang programang ito ay naghihikayat sa lahat ng residente na ipunin ang mga nagamit nilang mantika sa isang lagayan na siya naman kokolektahin ng CEMO isang beses kada buwan sa 16 na barangay sa lungsod.




Para sa maayos na pamamahala, ang bawat barangay ay may kani-kanilang talaan ng araw ng pagkolekta ng mga gamit ng mantika.


Ang mga gamit ng mantika ay nireresikulo ng mga tauhan ng CEMO sa pamamagitan ng lokal na teknolohiya na tinatawag na styrofoam and plastic densifier machine kung saan kasama sa pagproseso ang mga gamit na mantika.




Sa Marikina, ginagawan ng paraan ng Lokal na Pamahalaan ang mga bagay na maaari pang mapakinabangan upang magamit muli para sa iba’t ibang proyekto sa lungsod.


Naniniwala si Mayor Marcy sa kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na waste management program para sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan. At higit sa lahat, mahalaga rin na maitaas ang antas at kalidad ng mga programa ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina para sa kapakanan ng bawat isa.

 

Para sa karagdagang impormasyon tumawag sa CEMO sa telepono bilang 948-1204 hanggang 05 o pumunta mismo sa kanilang tanggapan sa Gil Fernando Ave., Brgy. Sto. Niño, Marikina City.

Share article on: