Halos 4,000 Kabahayan Nakabitan ng Kuryente sa Ilalim ng MCEP

PIO Department

2018-9-25

Share article on:

Halos 4,000 kabayahan sa Marikina ang nakabitan na ng linya ng kuryente ng Meralco mula ng inumpisahan ni Mayor Marcy Teodoro ang Marikina Community Electrification Project (MCEP) na naglalayong makabitan ng ilaw ang bawat bahay sa lungsod.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 3,857 na kabahayan ang nakabitan ng linya ng kuryente ng Meralco mula ng inumpisahan ang proyektong ito noong Marso 2017. Ang proyektong ito ay pinamamahalaan ng Marikina Community Electrification Office (MCEO) sa ilalim ng pamumuno ni Boy Orcilla.

“Inumpisahan ni Mayor Marcy ang proyektong ito dahil maraming kabahayan sa Marikina, lalo na sa mga depressed areas, ang hindi nakakabitan ng kuryente,” ayon kay Boy.  Naaayos ang problemang ito ng magkaroon ng Memorandum of Understanding ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina at ang Meralco, dagdag pa ni Boy sa isang panayam.

Nagdesisyon si Mayor Marcy na magkaroon ng ganitong programa dahil maraming Marikenyo ang nag-aapply ng electrical permits sa Meralco pero hindi sila agarang naaksyonan dahil na rin sa dami nila. Noong Nobyembre 2017, isinama na rin ang building permits sa programa para isang bigayan at seminar na lang.



Si Mayor Marcy mismo ang namimigay ng mga electrical at pati na rin ng building permits sa mga residente. Bago sila pagkalooban ng  mga ito, sila ay kailangang sumailalim sa seminar upang malaman ang mga dapat at hindi dapat gawin para sa kaayosan ng kani-kanilang komunidad. Ang seminar at pamimigay ng mga permits ay ginagawa tuwing Lunes sa City Hall mismo.

Sa naturang seminar, binibigyan din sila ng fire safety tips ng Bureau of Fire Protection. Ang Meralco naman ay binibigyan sila ng tips kung paano ang tamang paraan ng pagkabit ng kuryente at pagsigurong ligtas ito. Samantalang ang Marikina Settlement Office naman ay binibigyan sila ng mga kaalaman tungkol sa pagpapaganda ng paligid, tamang pagtapon ng basura at binibilinan silang siguruhin na ang mga puno at halaman ay hindi nakakasagabal sa mga kawad ng kuryente.

Share article on: