Inaabangang Tour de Takong sa Marikina, Idadaos Bukas

PIO Department

2019-11-29

Share article on:

Muling bibida sa mga lansangan ng Marikina ang mga matitibay at magagandang sapatos na gawa ng mga lokal na sapatero sa lungsod sa tatanghaling Tour de Takong o Stiletto Race.


Ang Tour de Takong o Stiletto Race ay bahagi ng paggunita ng Sapatos Festival sa Marikina na kilala bilang Shoe Capital of the Philippines. Binuksan ngayon taon ang Sapatos Festival sa lungsod noong Nobyembre 11 at tatakbo hanggang Disyembre 29.


Inaabangan taun-taon ang kaganapang ito sa Marikina. Hindi tulad ng mga pangkaraniwang takbuhan na napapanood natin, ang mga kalahok sa Tour de Takong mapa-babae man o lalaki ay nakasuot ng sapatos na de takong na may taas ng tatlong pulgada o higit pa hanggang sa sila ay umabot sa finish line.


Sa Sabado, Nobyembre 30, nakatalang ganapin ang Stilleto Race sa Cityhood Park ng Marikina ng 2:00 ng hapon. 




Kaakit-akit na mga papremyo at special awards ang naghihintay sa mga magwawagi. Libre ang pagpaparehistro para sa mga nais sumali. Magsisimula ng 8:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon ang registration sa Freedom Park.


Hangarin ng Tour de Takong na pasiglahin ang industriya ng sapatos sa Marikina kasabay ng pagsugpo ng karahasan laban sa mga kababaihan. 


Samantala, naglabas ng anunsyo ang Marikina Public Information Office (PIO) ng traffic advisory para sa mga maapektuhang lugar sa pagdaos ng Stiletto Race.


Kabilang sa mga kalsadang ipapasara ay ang Shoe Ave., E. Dela Paz St., bahagi ng Sumulong Hi-way at V. Gomez St. pati narin ang mga kalyeng nasa paligid nito.




Inaabisuhan ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina ang mga motorista na iwasan muna ang mga nabanggit na lugar at humanap ng mga alternatibong ruta upang hindi sila maipit sa daan.


Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang Facebook page ng Marikina PIO o tumawag sa numerong 646-6516 o 09212727646.

Share article on: