Larga Pilipinas, Lalarga sa Marikina Ngayong Sabado

PIO Department

2018-9-20

Share article on:

Hindi bababa sa 1,200 siklista mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang dadayo sa Lungsod ng Marikina ngayong daratingna araw ng Sabado, Setyembre 22, para sa inaugural race ng pinakabagong major cycling event na Larga Pilipinas.

Gaganapin sa West Drive, Brgy. Marikina Heights mula 6:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, iba’t ibang kategorya ang lalaruin tulad ng Corporate Executive, Managers, Under-21 (Youth), Masters (ex-pro), Amateurs, Amateur (45-up), Triathletes/Duathletes, Women’s at ang main event na Pro-Elite.

Ang pro-elite race ay kapapalooban ng pinakamahuhusay na cyclists ng Pilipinas tulad nina Ronda Pilipinas two-time champion at Marikina pride Jan Paul Morales, former champion John Mark Galedo at reigning Ronda king Ronald Oranza.

Upang mas maging kapanapanabik at angkop para sa masa ang karera, nagbukas pintuan rin ang Larga Pilipina sa mga hobbyists or ordinary cyclists sa pagkakaroon ng karera sa folding bike, fixed gear at mountain bike.

Layon ng Larga Pilipinas na makalikom ng pondo para sa mga programa at proyekto ng Pasig River Rehabilitation Commission habang ipinapamalas ang Marikina bilang “Show Capital of Cycling,” kaya sa lungsod na ito napiling idaos ang naturang aktibidad.


Suportado ni Mayor Marcy

Buo ang suporta ni Mayor Marcy Teodor sa pakarera kung saan ipinagmalaki niya na patuloy ang lungsod sa paghimok sa kanilang mamamayan na magsunog ng taba kesa gasoline sa pamamagitan ng pagbibisikleta.

“Talagang aggressive po kami to encourage everyone to ride their bikes. Papunta sa palengke o sa opisina, mas hinihimok namin na magbike sila,” wika ni Mayor Marcy.

“Kaya nga pag may mga outstanding employees kami ang premyo namin bikes,” dagdag pa ni Mayor Marcy.Hanga naman si Larga Pilipinas media bureau chief Snow Badua sa init ng pagmamahal ng mga taga-Marikina sa larong cycling.

“Nagugulat talaga ko kasi ang tindi ng Marikina, isa sila sa pinakamaraming cycling fans. Talagang dinudumog ang mga event dito,” wika ni Badua, na nagpapasalamat sa mga supporters ng Larga Pilipinas gaya ng Big Chill, PCSO Scratch It, Go For Gold, Excellent Noodles, Franzia Wine, Maynilad, LBC, Quad X, 3Q Sports Events and Management, Versa.ph, Green Planet, Black Mamba, Manila Water, Zen Skin Institute, Bike Xtreme, MMDA, Triathlon Association of the Philippines at PhilCycling.

“Saka nakakahanga na halos bawat bahay dito sa Marikina may mga naka-park na bisikleta sa harapan nila,” dagdag pa ng Larga Pilipinas concept head.

Kaugnay nito, inaasahan ang pansamantalang pagsasara ng ilang kalsadang gagamiting ruta ng mga kalahok sa Sabado.

Kung mayroong mga katanungan, maaaring bumisita sa https://www.facebook.com/LargaPilipinasOfficial o tumawag sa numero (0928) 555-0709.#


Share article on: