Libreng Gamot Alok ng Botika ng Bayan sa Marikina

PIO Department

2019-11-7

Share article on:

Binuksan sa publiko ang kauna-unahang “Botika ng Bayan” (BnB) sa Marikina City sa pangunguna ni Department of Health (DOH) Undersecretary Enrique Domingo at ni Marikina Mayor Marcy Teodoro noong Martes, Nobyembre 5.




Ang Botika ng Bayan na matatagpuan sa ikaapat na palapag ng Marikina City Health Office ay naglalayon na makapagbigay ng libreng gamot para sa lahat ng mga nangangailangan.




Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Marcy sa DOH para sa patuloy nitong pagsuporta sa Lokal na Pamahalaan ng Marikina at pagpili sa lungsod na unang magkaroon ng BnB sa Metro Manila.


“Salamat sa DOH kasi prino-provide niyo ang health care. Noon pa ay katuwang na natin ang DOH sa mga bakuna, sadyang malaking tulong ang nabigay nila sa atin. Naniniwala kami rito sa Marikina na need talaga ma-prevent ang sakit,” sabi ni Mayor Marcy.




Batid din ni Mayor Marcy ang kahalagahan ng pagkakaroon ng access ng mga mamamayan sa iba’t ibang serbisyong pangkalusugan. Itinuturing niya na isang mabigat na suliranin ang pagkakaroon ng sakit sa isang pamilya.


“Ang pamilyang Pinoy ay magaling mag-budget, resilient siya by nature, ang problema saan pupunta kung may nagkasakit. Kadalasan sa health centers, reseta lang ang binibigay, walang gamot. At saan-saan kukuha ng gamot, nakapila sa Mayor, Vice Mayor at lahat ng pwede mahingan, matagal mabigay, magaling na ang sakit wala pa ang gamot,” sabi ni Mayor Marcy.




Samantala, umani naman ng paghanga mula kay Usec. Domingo ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa patuloy at epektibong pamamahala ng “Botika ng Barangay” dahil aniya karamihan sa ibang lungsod ay napabayaan na ang ganitong programa.


“Nakakatuwa ang Marikina ang unang siyudad sa Metro Manila na nag-comply kasi ang standard niyo ay kapareho sa standard ng leading drugstores sa bansa,” sabi ni Usec. Domingo.


Nais ng DOH na makapagbigay ng mga gamot para sa mga pangkaraniwang sakit tulad ng impeksyon, sakit sa balat, mga malubha pero hindi nakakahawang sakit at mga pang-maintenance. 




Ayon sa DOH, maaaring magtungo sa BnB ang sinoman, ipakita lamang ang reseta at pwede nang makakuha ng libreng gamot.


Tiniyak ng DOH na patuloy nitong tutustusan ang supply ng gamot sa BnB kung sakaling maubusan ito ng supply.

Share article on: