Libreng Livelihood at Skills Training sa Marikenyo Para sa Maayos na Pamumuhay

PIO Department

2018-7-12

Share article on:

Marami ng Marikenyo ang sumailalim sa livelihood at skills training sa tanggapan ng Gender and Development-Manpower Development and Training Office (GAD-MDTO) na nagamit nila sa pagtatayo ng sariling negosyo o upang makahanap ng magandang trabaho dito sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Noong nakaraang taon, nasa 700 ang sumailalim sa iba’t-ibang programang pangkabuhayan katulad ng baking, bartending, hairdressing, plumbing at iba pa. Sa taong ito, mula Enero hanggang Hunyo, aabot na ng 200 ang mga nakakuha ng livelihood at skills training sa GAD-MDTO, ayon sa mga opisyales nito.

Ang livelihood at skills training ay pwedeng school-based kung saan ang mga klase ay ginaganap tuwing Sabado, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa Marikina Polytechnic College (MPC). Pwede rin itong center-based kung saan ang mga klase ay mula Lunes hanggang Biyernes 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali o kaya ay 1:00 hanggang 5:00 ng hapon at gaganapin ito sa GAD-MDTO center mismo.

May plano rin ang GAD-MDTO na dalhin sa mga komunidad at barangay ang mga pagsasanay na ito upang mas marami pang Marikenyo ang makinabang ng programang ito alinsunod sa kagustuhan ni Mayor Marcy Teodoro, ayon kay Rodel Pantaleon, assistant to the head ng GAD-MDTO, sa isang panayam doon mismo sa kanilang opisina.

“Ang gusto ni Mayor Marcy ay maibaba ang mga programang  ito sa community,” sabi ni Rodel. “Kailangan lang nating ma-identify ang mga malalaking multi-purpose hall kung saan pwedeng gawin ang training.”

Ang mga nagtuturo ng mga kursong ito, sa MPC at doon mismo sa GAD-MDTO center, ay pawang mga accredited ng TESDA (Technical Education and Skills Development), ang ahensiya ng gobyerno na inatasang pangalagaan at pangasiwaan ang technical education at skills development sa bansa.


Pagkatapos ng mga maiikling kurso, may isang pribadong institusyon ang nagbibigay ng libreng assessment upang mabigyan ang mga nagsipagtapos ng iba’t-ibang training ng national certificate nagpapatunay na sila ay may natutunang skills at competency para sila ay makapagtrabaho.

May plano rin ang GAD-MDTO na magkaroon ng tie up sa TESDA upang maging TESDA-certified ang mga kumuha ng training sa kanilang tanggapan.

“Dapat marecognize ng TESDA ang trainings natin. Bukod sa certificate na binibigay natin, pwedeg  kumuha ng certification from TESDA ang mga nagsipagtapos dito,” ayon kay Rodel.

Ang certification mula sa TESDA ay isa sa mga kailangan kung nais mangibang-bansa ng mga kumuha ng training, dagdag pa ni Gia Rebadulla, ang head ng Livelihod ng GAD-MDTO.

Ayon kay Gia, marami ng Marikenyo ang napabuti ang buhay dahil lamang sa pagkuha ng livelihood at skills training sa kanilang tanggapan o sa pamamagitan ng MPC. Ang iba ay nagtayo ng kanilang negosyo, ang iba ay nakahanap ng trabaho sa ibang bansa o kaya ay dito sa Pilipinas.

Ang mga training na binigibay ng GAD-MDTO ay libre at para lamang sa mga residente ng Marikina.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa iba’t-ibang kurso na binibigay ng GAD-MDTO, tumawag lamang sa 568-6053, 646-2360 hanggang 71, local 228. O kaya ay pumunta sa kanilang tanggapan sa GAD-MDTO (Livelihood) sa 2/F West Grandstand, Marikina Sports Center, Shoe Ave., Sto. Nino, Marikina City.

Maari rin silang kontakin sa pamamagitan ng kanilang email address na mdtolivelihood2014@gmail.com


Share article on: