Libreng Pag-aaral ng Medisina Alok ng Marikina LGU sa mga Marikenyo

PIO Department

2019-10-8

Share article on:

Full medical scholarship grant ang sagot ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina para sa mga Marikenyong mag-aaral na ang mithiin ay maging propesyunal sa larangan ng medisina ngunit salat sa pangangailangan pinansyal.


Ang full medical scholarship na ito ay opisyal na nilagdaan ni Mayor Marcy Teodoro sa ilalim ng City Ordinance No. 078 Series of 2019 o “Libreng Pag-aaral sa Pagdodoktor para sa Marikenyo” noong Lunes, Oktubre 7, sa isang ceremonial event na dinaos sa Shoe Hall.




Ang ordinansang ito ay inakdaan ni Vice Mayor Marion Andres na kilalang rin manggagamot sa lungsod.





“Ako man ay mula sa isang mahirap na pamilya at isa rin benepisyaryo ng isang iskolarship program sa kolehiyo kaya ako nakapag-aral ng medisina. Ang aking ama ay isang beterano ng digmaan na siyang naging dahilan kung bakit ako kumuha ng medikal iskolarship,” sabi ni Vice Mayor Andres na nagsilibing daan upang ang pagkakataong ito ay maisakatuparan.


Ito ay bahagi ng pagtupad niya sa ilang programang kanyang isinusulong para sa pamilyang Marikenyo.




Sakop ng alok ng lokal na administrasyon sa pangunguna ni Mayor Marcy ang siyam na piling medical schools sa Metro Manila.


Kabilang sa mga paaralan sa ilalim ng ordinansa ay ang Pamatasan Lungsod ng Maynila (PLM); Far Eastern University (FEU); Emilio Aguinaldo College (EAC); Manila Central University (MCU); University of Sto. Tomas (UST); Our Lady of Fatima University (OLFU); University of the East (UE); University of Perpetual Help System DALTA; at St. Lukes College of Medicine.


Ang scholarship grant ay maaaring magamit bilang pambayad sa matrikula, transportasyon, allowances, uniporme, pambayad sa libro at iba pang gamit na kailangan sa pag-aaral.


Samantala, ilan sa mga requirements sa pagkuha ng scholarship ay ang mga sumusunod:


- bonafide na residente ng Marikina

- hindi hihigit sa 30 taon gulang sa oras na ito ay makapagtapos ng mga kursong pre-medicine

- mag-sumite ng sulat na nagsasaad ng intensyon na makakuha ng scholarship grant

- nakakuha ng anumang Bachelor’s Degree na may kaugnayan sa kursong pre-medicine

- pumasa at inindurso ng Medical Scholarship Grant Secretariat at Medical Scholarship Board


Bilang paglilinaw ng pamahalaan ng Marikina, ang naturang medical scholarship program ay limitado lamang sa limang slot kada school year.


Ang pondo para sa programang ito ay magmumula sa school board o general fund ng lokal na pamahalaan.


Sa mga mabibigyan ng medical iskolarship at makakapasa sa board exams, ay kailangan maglaan ng propesyonal na serbisyo sa pamahalaang lungsod ng Marikina sa loob ng dalawang taon.


Inaasahan ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina na ipatupad ang medical scholarship program sa susunod na academic year.


Ang hangarin ito ni Mayor Marcy, Vice Mayor Andres at iba pang lokal na opisyal ng Marikina ay magbubunga ng mga de kalidad na doktor mula sa lungsod.

Share article on: