Lungsod ng Marikina Ganap ng Informal Settler-Free

PIO Department

2019-8-8

Share article on:

Tinatayang 1,500 pamilya ang napagkalooban ng sariling tirahan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro.


Nagsimulang magkaloob ng mga titulo ng lupa si Mayor Marcy noong ito ay maupo bilang alkalde ng lungsod noong taong 2016, bilang bahagi nang pagsusulong sa programa ng pamahalaang lungsod na magkaroon ng sariling lupa ang mga residente sa Marikina.


Ang programa ay hindi lamang basta para sa pabahay kundi ito ay naglalayon na mabigyan ng titulo ng lupa o land ownership ang mga pamilyang walang sariling tirahan. Nais din ni Mayor Marcy na bigyan ng dangal ang bawat isang Marikenyo.


“Wala kaming housing program sa Marikina dahil financially it will constrain, burden the government funds kaya ang ginawa namin dito ay tenureship sa lupa. Titulo at hindi rights ang wino-workout namin. Mas sigurado,’’ sabi ni Mayor Marcy.


Ang pamahalaang lungsod ng Marikina ay bumibili ng mga pribadong lupa at ang iba ay pinapasok bilang community mortgage kung saan ang lokal na Land Management Office ng lungsod ang namamahala.


Sa pamamagitan ng Titulo Para sa Bawat Tahanan Program, ang pamahalaang lungsod ay nakapag-abot na ng pinansyal na tulong sa higit 2,000 na pamilyang Marikenyo.


Sa kasalukuyan, mayroong 248 settlement areas ang nilaan ng lokal na pamahalaan para sa 20,000 residente sa lungsod.


Dahil sa epektibong programa na ito, ang Marikina ay ganap ng “illegal settler-free.”


Ang mga settlement areas na ito ay sinisiguradong ligtas tirahan. Kaya naman maging ang mga ito ay may libreng building permit dahil ang kaligtasan ng mamamayan ang pangunahing prayoridad ni Mayor Marcy.


Samantala, ang mga residenteng nakakuha ng lupain mula sa lokal na pamahalaan ng Marikina ay magbabayad ng P200 hanggang P800 kada buwan sa loob ng 10 hanggang 15 taon na may tatlong porsiyentong interes. 


Patuloy lang si Mayor Marcy sa pagpapaigting at pagpapatupad ng mga programa sa lungsod para matugunan ang pangangailangan ng bawat Marikenyo.

Share article on: