Malinis na Marikina Hangad ng Munting Basura, Ibulsa Muna Program

PIO Department

2019-4-3

Share article on:

Naging aktibo ang bawat sangay ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro sa pagpapalaganap ng programang Munting Basura, Ibulsa Muna.


Simula Enero ng taong kasalukuyan, sunod-sunod na inikot ni Mayor Marcy ang iba’t ibang paaralan sa lungsod upang ipakilala ang naturang kampanya na naglalayong mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa siyudad.


“Kung walang makitang basurahan sa paligid, pinapaalala natin sa lahat na ang munting basura ay ibulsa muna. Ang taong may disiplina ay pinupuri at umuunlad. Tinuturo natin ito hindi sa pamamagitan ng pagsasabi lamang kundi sa paraan na maiintindihan nila ito ay ang kanta at sayaw,” sabi ni Mayor Marcy sa isang TV interview.




Sa paglulunsad ng programang Munting Basura, Ibulsa Muna, tinuruan ang mga mag-aaral ng awitin tungkol sa tamang pagtatapon ng mga basura. Tinuruan din ang mga estudyante ng sayaw para masabayan ang kantang ito na labis na ikinatuwa hindi lamang ng mga mag-aaral kundi pati na rin ng kanilang mga guro.




Binigyan din ang mga estudyante ng mga biscuits na sabay-sabay nilang kinain kasama sila Mayor Marcy, mga guro at iba pang opisyales ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina at ibinulsa ang mga balat ng biscuit para walang kalat.






Saan at paano nga ba ito nagsimula?


Unang inilunsad ang programang Munting Basura, Ibulsa Muna noong dekada 90 bilang inisiyatiba ng dating alkalde ng Marikina na si Bayani Fernando na kasalukuyang representative sa lungsod at ng kanyang asawa na si Marides na humalili sakanya sa pagka-alkalde.


Nais ng Lokal na Pamahalaan na paigtingin at panatilihin ang kalinisan sa buong bayan ng Marikina simula sa mga kabataan. Ang naging paraan noon ay ang pamamahagi ng kendi na may cartoon sa balat nito na nagsasabing, “Munting basura, ibulsa muna.”


Hinikayat din ang mga residente na magresikulo ng mga mapapakinabangan pang gamit at ng mga naipong balat ng kendi upang bumuo ng iba’t ibang proyekto tulad ng palamuti sa bahay.


Sa ngayon, ipinagpapatuloy ni Mayor Marcy ang naumpisahang programa ni Rep. Bayani.


Bukod sa biscuit ay kanta at sayaw ang naging paraan ni Mayor Marcy upang lalo pang maging epektibo, madaling matandaan at maintindihan ng bawat Marikenyo ang naturang kampanya.


Binuo ng mga kabataan mula sa Marikina Science Highschool ang liriko sa sayaw na ngayon ay viral na sa social media. Ang mga kabataang ito ay katuwang ni Mayor Marcy sa adhikaing mapanatili ang kalinisan sa buong Marikina at hikayatin ang mga mamamayan na magkaroon ng disiplina sa sarili.


Munting Basura, Ibulsa Muna Dance Craze


Siguradong ma-LSS ka o last song syndrome sa nakakaindak na kanta na Munting Basura, Ibulsa Muna.


Hindi lamang mga opisyales at mga empleyado sa iba’t ibang departamento sa City Hall ang gumawa ng kani-kanilang bersyon ng dance craze na ito.


Sumabay rin sa pag-indak ang kasalukyang alkalde ng San Juan na si Guia Gomez na naging panauhin sa pagbubukas ng National Capital Region Palaro 2019 na ginanap noong Pebrero. Nagmistulang mass demonstration ang nangyari sa Marikina Sports Center ng sabay sabay rin nakiindak ang lahat ng kalahok sa NCR Palaro.






Tumugon rin sa viral dance craze ang ilang pribadong sektor sa ating lipunan.


Kabilang na dito ang mga empleyado ng Puregold sa Ayala Malls Marikina at ang mga estudyante, guro at staff ng Our Lady of Perpetual Succor College (OLOPSC), isang pribadong paaralan sa Marikina.


Hindi lamang sa Pilipinas naging sikat ang viral dance craze na ito. Umabot na rin sa ibang dako ng mundo partikular sa bansang Thailand kung saan naging kinatawan ang Marikina Dance Guild sa ginanap na ASEAN Ethnic Festival sa Bangkok, Thailand noong Marso. Kinuhaan pa sa mga tanyag na cultural landmark tulad ng The Grand Palace at Bangkok National Museum ang kanilang music video.


Kultura ng Disiplina at Kalinisan


“Kaibigan at pamilya, halina’t sama-sama ipakita ang disiplina. Paglinis ng paligid ay bigyang halaga. Halin’t isagawa. Munting Basura, ibulsa muna. Huwag ikalat lang sa kalsada. Gamitin mo ngayon ang pagkakataong mapanatiling malinis ang Lungsod ng Marikina,” bahagi ng liriko sa kantang Munting Basura, Ibulsa Muna.


Ang mensahe sa likod ng viral dance craze na ito ay hindi lamang basta hikayatin na maging responsableng mamamayan ang mga taga Marikina kundi ipalaganap pa lalo ang kultura ng disiplina sa sarili at malasakit sa bayan.


Batid sa awitin na basta may tiyaga at may pagkakaisa ang mga mamamayan, hindi problema ang basura.




Sa programang ito, maibabahagi at maipapakita ang kahalagahan ng malinis at maayos na paligid hindi lamang sa mga katabing lungsod kundi maging sa iba pang karatig na bansa.


Ganito kapursigido at nagkakaisa ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina at ang bawat isang Marikenyo.


Panoorin ang official music video ng Munting Basura, Ibulsa Muna.

Share article on: