Marikina City Magdadaos ng Lubluban Festival sa Mayo 4

PIO Department

2019-5-2

Share article on:

Ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro ay magdadaos ng panlalawigang Lubluban Festival upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Marikenyo na walang kakayahan na makapunta sa mga beach o private resorts ngayong summer o panahon ng tag-init.


Ang Lubluban Festival ay gaganapin sa iba’t ibang lugar sa lungsod ng Marikina ngayong darating na Sabado, Mayo 4.




Ang gawain ito ay hinati sa dalawang parte kung saan magsisimula ng 7:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali sa ilang kalye ng Brgy. Industrial Valley Complex, Brgy. Barangka, Brgy. Tañong, Brgy. Jesus Dela Peña, Brgy. Kalumpang, Brgy. San Roque, Brgy. Sta. Elena, Brgy. Sto. Niño, Brgy. Malanday at Brgy. Marikina Heights.


Samantala, magpapatuloy naman ang Lubluban Festival sa Marikina Sports Center mula 4:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi. Ito ay libre para sa lahat ng gustong makisaya.


Sa mga nais dumalo, maaari kayong makisayaw sa tugtugang inihanda ng guest DJs, maligo sa common swimming pool na itatayo sa field, maligo sa private swimming pools sa harap ng inyong tent at maligo sa olympic-sized pool ng Marikina Sports Center na lalagyan ng mga pailaw.


Magtatayo din ng amusement rides at inflatable area na matatagpuan sa West Grandstand at tatlong malalaking tents na mayroong tuloy-tuloy na tilamsik ng tubig. Mayroon din mga bubble, foam at smoke machines sa lugar at fireworks display.


Tinitiyak ng Lokal na Pamahalaan na walang tubig ang masasayang sa gawaing ito dahil ang mga nagamit na tubig mula sa mga water tankers ay gagamitin muli para linisin ang Marikina Public Market at gagawin ding pandilig ng mga halaman sa lungsod.


Naniniwala si Mayor Marcy na ang tubig ay sumisimbolo ng pag-asa kaya naman ang Lubluban Festival sa Marikina ay inaasahan na maghahatid ng bagong pag-asa sa bawat Marikenyo.


Ang pagpapanatili ng mataas na happy index ng mga Marikenyo at ang pakikipagkapwa-tao ay ilan sa mga pinapahalagahan ng administrasyon ni Mayor Marcy.

Share article on: