Marikina Handa Na Sa Taunang Ka-Angkan Festival

PIO Department

2019-4-12

Share article on:

Sa lungsod ng Marikina, binibigyan ng mataas na pagpapahalaga ang pagsasama-sama ng mga pamilya.


“Ito na ang kultura natin. Kaharap natin. Kasama natin. Buhay. Ang kwento ng Marikina ay kwento ng pamilya, kaya pamilya ang pinapahalagahan natin. Ito po ay utang natin sa ka-angkan at pananagutan sa bawat pamilyang naririto,” sabi ni Mayor Marcy Teodoro.




Mahalaga kay Mayor Marcy ang pagbuklurin ang bawat isang pamilyang Marikenyo. Kaya naman pinagtutuunan mabuti ng pansin ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina ang kapistahan ng mga angkan o ka-angkan sa lungsod.




Sa ginanap na pagtataas ng watawat sa Freedom Park sa tapat ng City Hall noong Lunes, Abril 8, ay ipinakilala ang 44 na angkan na kalahok sa pistahan ngayong taon.


Kasabay ng pagsapit ng 389th anibersaryo ng pagkakatatag ng Marikina na ipinagdiriwang kada Abril 16, ay ang siya naman engrandeng pagtitipon-tipon ng mga angkan sa Marikina.


Mas sumaya at dumami pa ang mga angkan na lalahok sa Ka-Angkan Festival Grand Salu-Salo at Mini Concert na gaganapin bukas ng Sabado, Abril 13 sa Marikina Sports Center simula ika-apat ng hapon.


Samantala, sa pagtatapos nito ay magkakaroon naman ng fireworks display sa ganap na ika-siyam ng gabi.




Bilang bahagi ng pagsulong ng Lokal na Pamahalaan sa masaganang pamilyang Marikenyo, binibigyan pagkilala sa lungsod ang mga angkan na naninirahan ng isang daan o higit pang taon sa Marikina sa pamamagitan ng kapistahan na tinatawag na Ka-Angkan Festival.


Sa kabila ng makabagong panahon kung saan pinadadali ng teknolohiya ang pag-abot sa mga kaanak na nasa malayong lugar, nais ni Mayor Marcy na panatilihing buhay parin ang mga tradisyon katulad ng taunang pagdiriwang ng Ka-Angkan Festival sa Marikina upang maipakita ang kahalagahan ng pagsasama-sama at pagbubuklod ng mga miyembro ng angkan sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang mga henerasyon.

Share article on: