Marikina Hindi Sinusukuan mga Century Trees na Binuwal ng Buhawi

PIO Department

2018-9-19

Share article on:

Ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marcy Teodoro ay hindi sinusukuan ang dalawang Century Trees (mga puno ng acacia na may higit isang daang taon ng nabubuhay) na binuwal ng buhawi noong Biyernes, Setyembre 14.

Kahapon ay ininspeksyon ni Mayor Marcy ang isinasagawang recovery efforts sa dalawang puno na malapit sa  Shoe Museum sa J.P. Rizal St., Brgy. San Roque.

Patuloy na dinidiligan ang dalawang punong ito ng mga kawani ng City Hall habang pinagpaplanuhang maigi ang mga susunod na hakbang upang muling mabuhay ang mga ito. Tinambakan rin ng karagdagang lupa ang dalawang punong nabuwal upang makatulong sa kanilang rehabilitasyon.


Ang isa  sa dalawang puno ay naitayong muli matapos tanggalin ang mga sanga at dahon, samantalang ang isa na nasa harapan mismo ng Shoe Museum ay nakabuwal pa rin ngunit pinagsisikapan ng mga eksperto sa larangan ng puno at halaman na muling mabuhay. Nilagyan na rin ng root growth stimulant ang dalawang puno upang muli silang magbunga ng karagdagang ugat na makakatulong upang muli silang mabuhay.



Inaasaang aabot ng tatlong linggo ang rehabilitation efforts sa dalawang puno na naging bahagi na rin ng buhay ng mga Marikenyo dahil sa tagal na nilang namuhay sa lungsod. Sila ay nagsilbing silungan tuwing mainit ang araw, dapuan ng mga ibon at lalong nagpatingkad sa ganda ng kapaligiran.

 

Share article on: