Marikina Napiling Pilot City Para sa ‘Safe Philippines Project’

PIO Department

2019-10-22

Share article on:

Patuloy sa pagtanggap ng papuri ang lungsod ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro bunsod ng maayos nitong pamamahala at pagpapanatili ng kaayusan sa lungsod.


Matatandaan na kamakailan lang ay tinawag ng opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Marikina bilang “gold standard” sa pagpapatupad nito ng iba’t ibang hakbang upang maalis ang mga sagabal sa mga pampublikong lansangan na sakop ng lungsod.


At noong nakaraang linggo, Oktubre 17, pumirma ng memorandum of agreement (MOA) para sa “Safe Philippines Project” si Mayor Marcy at DILG Undersecretary for Peace and Order Bernardo Florence Jr. 




Ang kasunduan ito ay nagsasaad ng pakikipagtulungan ng DILG at ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina kung saan napili ang lungsod na manguna sa lahat ng siyudad na isagawa ang “Safe Philippines Project” na programa ng DILG.



Ang “Safe Philippines Project” ay naglalayong mabawasan ang kaso ng krimen at palakasin ang emergency response time sa pamamagitan ng state-of-the-art technology.

Ang proyektong ito ay inaasahan na mabawasan ng 15 porsiyento ang crime rate at mapalakas ng 20 porsiyento ang emergency response sa tulong ng modernong information and communications technology.




Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang DILG ng bedrock strategy sa pagbibigay ng smart solution at system integration para labanan ang mga krimen, magkaroon ng maayos na emergency management at disaster mitigation nangsagayon ay maging ligtas ang mga residente.


Ayon sa DILG, ang China International Telecommunication Construction Corporation (CITCC) ang kontraktor ng proyektong na magkakaloob ng camera surveillance system para sa kaaayusan, seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan at ng buong bansa.


Kabilang sa inilaan sa proyektong ito ay ang state-of-the-art o high definition IP surveillance cameras, intelligent video analytics na mayroong facial and plate recognition; video content search and synopsis, at integrated critical communication system.


Sa kabila nito, siniguro ng DILG ang pagkakabit ng fire walls para maiwasan ang hacker o anumang banta ng pagsasabotahe sa sistema. 


Samantala, ang pondo naman na nakalaan para sa proyektong ito ay magmumula sa national government.


Sa tulong ng mga closed-circuit television (CCTVs) cameras, makakaasa ang mga Marikenyo na magiging mas ligtas ang lungsod dahil masusubaybayan nito ang mga kaganapan sa paligid mapa-krimen man o emergency.


“Maraming salamat sa DILG para sa ganitong mga proyekto. We are one with you in ensuring that our people know and feel they are safe,” sabi ni Mayor Marcy.


Nangako si Mayor Marcy na sa pangunguna ng lungsod, lilinangin at higit lalong paiigtingin ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina ang seguridad at kaligtasan ng buong komunidad na nakasaad din sa MOA.




Dumalo rin sa MOA signing ceremony ay sila DILG Assistant Secretary Manuel Felix, Director Girlie Zara, mga kinatawan mula sa China International Telecommunication Construction Corporation (CITCC), at iba pang opisyal ng lungsod.

Share article on: