Mayor Marcy Abala sa Paghahanda Para sa Palarong Pambansa

PIO Department

2020-3-4

Share article on:

Binisita ni Mayor Marcy Teodoro noong Biyernes, Pebrero 28, ang ilan sa mga lugar at pasilidad na pagdarausan ng Palarong Pambansa 2020 bilang bahagi ng paghahanda para sa taunang palaro na gaganapin sa lungsod sa darating na Mayo. 


“Ito ang pagkakataon ng Marikina na hindi lamang magsilbing isang simpleng host sa Palarong Pambansa, kung hindi pagkakataon din upang magturo sa mga delegado at bisita ng kung ano ang maganda sa ating lungsod,” sabi ni Mayor Marcy sa pamunuan ng Marist School at St. Scholastica’s Academy na kabilang sa mga magsisilbing sporting venues sa Palaro.




Inihalimbawa ni Mayor Marcy ang pagbabahagi hindi lamang ng mga katakam-takam na pagkain sa Marikina kung hindi pati na rin ang mainit na pagtanggap ng mga taga-Marikina sa sinoman bibisita sa lungsod.


Ipinagmalaki rin ni Mayor Marcy ang kagandahang asal na taglay ng mga Marikenyo  tulad ng pagpapatuloy sa mga tahanan, pagmamano sa mga nakatatanda, pagiging tapat at marami pang iba.




Sa kanilang pagpupulong ay tinalakay ni Mayor Marcy ang mga tungkulin at responsibilidad ng bawat institusyon bilang kabahagi ng taunang palaro.


Sunod na binisita ni Mayor Marcy ang Fin Asia Homes Gymnasium kung saan gaganapin ang tennis na isa sa mga sports na lalaruin ng mga student-athletes.




Ininspeksyon mabuti ni Mayor Marcy ang bawat pasilidad na gagamitin ng mga atleta upang personal na matiyak na magiging maayos ang pagdaraos ng Palarong Pambansa.


“This is not only an opportunity to host but to educate as well,” sabi ni Mayor Marcy sakanyang panayam sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd).


Nais ni Mayor Marcy na magsilbing pamantayan ang mga paghahandang ginagawa sa lungsod upang maging matagumpay ang pangangasiwa para sa taunang patimpalak.




Kasama ni Mayor Marcy sa paglilibot sa mga playing venues ay sila Dr. Angelito Llabres ng Marikina City Sports Center, Dr. Sheryll Gayola ng DepEd-Marikina, at iba pang lokal na opisyal.


Tinatayang 15,000 na atleta at iba pang panauhin mula sa iba’t ibang parte ng bansa ang dadalo sa nakatakdang pagbubukas ng Palarong Pambansa sa ika-tatlo ng Mayo sa Marikina Sports Center.

Share article on: