Mayor Marcy, Busy sa Pag-aayos at Paglilinis ng mga Sinira ni Ompong

PIO Department

2018-9-17

Share article on:

Kahit nakaalis na sa bansa ang bagyong si Ompong,  busy pa rin si Mayor Marcy Teodoro sa pag-iikot sa lungsod upang siyasatin, linisin at ayusin ang mga pinsalang dulot nito.

Kahit araw ng Linggo, ang araw ng pahinga, si Mayor Marcy ay abala pa rin. Kahapon ay nag-ikot-ikot siya sa Marikina City at tumulong sa paglilinis ng mga kalat at dumi sa kalye. Sa kaniyang pag-iikot sa lungsod, hindi rin maiwasang may matulungan siyang kababayan nating may hinaharap na problema.

"Kaya ako naglakad sa paligid kasi gusto kong personal na makita kung maayos ang lahat matapos ang bagyo," ani Mayor Marcy sa kanyang pag-iikot kahapon ng umaga sa paligid ng H. Bautista Elementary School at sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar) Greenheights Campus.

Siniyasat ni Mayor ang bawat paligid, kabilang na ang mga lubak sa kalsada, mga naka-angat na on-road drainages, mga damong ligaw, at buhanging kumalat sa bangketa at ipinaayos ito sa mga kinauukulang operatiba.




Isa sa mga adhikain ni Mayor Marcy ay maibaba at mailapit ang mga serbisyo ng Lokal na Pamalaan sa mga mamamayan at masigurong ang kanilang mga problema ay agarang mabigyan ng solusyon. Dahil dito ay patuloy si Mayor sa pag-iikot sa mga komunidad, pakikipag-usap at pakikipagpulong sa mga Marikenyo kahit sa mga kalye ng lungsod. Ginagawa niya ito may sakuna at bagyo man o wala.

Sabi nga ni Mayor, walang pinipiling lugar at oras ang pagtulong sa kapwa at lalo na ang pagsisilbi sa bayan.




Natulungan ang Drayber ng Traysikel

Matapos dalawin ang PLMar Greenheights evacuation center, niyaya ni Mayor Marcy si Congressman Eugene De Vera na sumakay ng traysikel papuntang Ateneoville sa Brgy. Nangka.

Habang nasa daan ay nagkakwentuhan sila ng drayber ng traysikel at naihinga ng huli ang problema niya sa ating Ama na Lungsod na kilala hindi lang sa kaniyang kasipagan kundi sa kaniyang kabaitan, lalo na sa mga kababayan nating medyo hirap sa buhay ngunit nagsusumikap pa rin upang may maipantustos sa mga pangangailangan sa araw-araw.



Agad namang tinutulungan ni Mayor Marcy ang traysikel drayber. Hindi na nga ito nagdalawang salita pa kay Mayor Marcy at solved na agad ang kaniyang problema.

Noong Sabado naman ng hapon, kahit wala pang masyadong tulog at pahinga ay sinamahan ni Mayor Marcy si Brigadier General Abraham Casis, ang hepe ng Joint Task Force – National Capital Region (JTF-NCR), si Police Director Guillermo Eleazar, ang hepe ng NCR-Police Office (NCR-PO) at si Marikina PNP Chief Senior Superintendent Roger Quesada sa pag-iikot at pagsisiyasat sa mga napinsala ni Ompong.

Kabilang sa kanilang siniyasat ay ang mga punong natumba at mga bubong na natanggal sa Kapitan Moy sanhi ng buhawi na naminsala noong Biyernes sa tinaguriang Heritage Zone ng Marikina, kung saan nakatayo ang Shoe Museum at Kapitan Moy sa Brgy. San Roque. Kabilang sa mga nabunot ay ang Century Tree (puno ng acacia na mahigit isang daang taon na) sa harapan ng Shoe Museum. 






Share article on: