Mayor Marcy Dineklarang Walang Pasok sa Mga Paaralan

PIO Department

2020-3-9

Share article on:

Kaugnay ng pagtaas ng Department of Health (DOH) sa kaso ng COVID-19 sa bansa bilang alert level Code Red sub-level 1 kahapon, Marso 8.


Idineklara ni Mayor Marcy Teodoro ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Marikina simula ngayong araw ng Lunes, Marso 9 hanggang Miyerkules, Marso 11.


Ang abisong ito ng lokal na pamahalaan ay upang magbigay daan sa malawakang pagdidisinfect ng lahat ng paaralan sa lungsod. Ito ay gagawin bilang pangangalaga sa kalusugan ng ating mga mag-aaral at maiwasan ang posibleng paglaganap at pagkahawa ng coronavirus o COVID-19.


Maliban sa paglilinis ng mga silid-aralan at mga pasilyo nito, ipinag-utos rin ni Mayor Marcy na magsagawa ng malawang disinfection sa mga matataong lugar tulad ng pamilihan o palengke, mga parke, pampublikong sakayan, pampublikong palikuran, at iba pang pampublikong gusali sa tulong ng DOH at ng mga lokal na barangay.


Hinihikayat ng pamahalaang lungsod na manatili sa loob ng mga tahanan at iwasan ang hindi kinakailangang pagpunta sa mga pampublikong lugar o maramihang pagtitipon. 


Paalala rin ni Mayor Marcy na sundin ang tamang pangangalaga sa katawan, paghuhugas ng kamay, tamang paraan ng pagtakip ng ilong at bibig sa tuwing uubo o sisinga. Higit sa lahat ang pagpapanatili ng kalinisan sa buong paligid.

Share article on: