Mayor Marcy Inilunsad ang Programang “Munting Basura, Ibulsa Muna” Kahapon

PIO Department

2019-1-25

Share article on:

Inilunsad kahapon ni Mayor Marcy Teodoro ang “Munting Basura, Ibulsa Muna,” isang programa ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina na naglalayong mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa lungsod.

Ang programang ito ay inilunsad sa Fortune High School kahapon ng umaga kung saan tinuruan ang mga mag-aaral ng awitin tungkol sa tamang pagtatapon ng mga basura. Tinuruan rin ang mga estudyante ng sayaw para masabayan ang kantang ito na labis na ikinatuwa hindi lamang ng mga mag-aaral kundi pati na rin ng kanilang mga guro.

Sa kaniyang maiksing talumpati, binigyang diin ni Mayor Marcy sa mga kabataan ang kahalagahan ng maayos na kapaligiran.

“Kapag nagsama-sama at pinagtulung-tulungan ng lahat, ang ating lungsod ay tunay na magiging malinis at maayos. At ang kasunod nito ay ang pagiging maayos ng ating buhay,” ayon kay Mayor Marcy.


“Natutuwa ako at nagpapasalamat dahil nararamdaman ko sa umagang ito ang pag-asa para sa ating paaralan at ang pag-asa sa bawat isa sa atin na naririto,” dagdag pa ni Mayor Marcy.

Binigyan ang mga estudyante ng mga biscuits na sabay-sabay nilang kinain kasama ni Mayor Marcy, mga guro at mga iba pang opisyales ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina na dumalo sa paglulunsad ng programang ito katulad ni Konsehal Donn Carlo Favis at dating Vice Mayor Marion Andres. Matapos kainin ang mga biscuits, sabay-sabay nilang ibinulsa ang mga balot o wrapper ng biscuits para walang kalat.


Ang mga balat ng ipinamigay na mga biscuits ay may paalala tungkol sa pagtatapon ng basura. Una, kung walang makitang basurahan, munting basura ibulsa muna. Pangalawa, itapon ang basura sa basurahan ng eskwelahan o sa bahay.


Ipinakilala rin ni Mayor Marcy si Marky, ang mascot ng “Munting Basura, Ibulsa Muna” na programa, na sinalubong ng masigabong palakpakan.


Libreng School Bags

Pagkatapos ng paglulunsad ng programa, namigay si Mayor Marcy, mga guro, at iba pang mga opisyales ng siyudad at City Hall ng mga school bags sa mga mag-aaral na labis na natuwa sa regalong ito ng Ama ng Lungsod.


Nakipag-pulong din si Mayor Marcy sa mga guro ng Fortune Elementary and High School bilang pagpapahalaga sa kanilang tungkulin bilang mga gabay sa paghubog ng mabubuting asal ng mga kabataan at bilang pangalawang mga magulang. Mahal ni Mayor Marcy ang mga guro dahil ang kaniyang butihing ina ay isa ring guro.


Nag-ikot rin buong maghapon kahapon ang tila walang kapagurang si Mayor Marcy sa iba pang mga paaralan ng lungsod tulad ng Marikina Heights High School, Parang High School, Nangka High School at Concepcion Integrated School (CIS) High School upang mamigay ng mga school bags sa mga mag-aaral.

Share article on: