Mayor Marcy Mamimigay ng Libreng PE Uniforms sa mga Grade Schoolers

PIO Department

2019-1-31

Share article on:

Simula sa araw na ito, Enero 31, ay mamimigay si Mayor Marcy Teodoro ng libreng Physical Education (PE) uniforms sa mga grade schoolers sa Marikina na magagamit nila sa susunod na school year na mag-uumpisa sa Hunyo 2019.

Ang unang batch na mabibigyan ng libreng PE uniforms simula sa araw na ito ng Huwebes ay ang mga incoming Grade 2, 3, at 4. Sa susunod na ilang buwan naman ay ang mga incoming Kinder at Grade 1, 5 at 6 naman ang mabibigyan ng mga libreng uniporme sa PE.



Alam ni Mayor Marcy ang mga hirap at sakripisyo ng mga magulang upang mapag-aral lamang ang kanilang mga anak at mabigyan ang mga ito ng magandang kinabukasan. Ang programang pang-edukasyon ay isa sa kaniyang pangunahing proyekto mula ng siya ay maging Ama ng Lungsod noong 2016.

Kabilang sa mga ginawang hakbang ni Mayor Marcy upang itaguyod ang edukasyon ng mga kabataan ng Marikina ay ang libreng tuition fee sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar) mula pa noong 2017. Bukod pa rito ay ang pamamahagi ng libreng school bags, notebooks at ibang tulong sa mga estudyante upang makatipid ang kanilang mga magulang.

Matatandaang nitong mga nakaraang araw ay naging abala si Mayor Marcy sa pag-iikot sa mga mataas na paaralan sa lungsod upang ilunsad ang programang "Munting Basura, Ibulsa Muna" na naglalayong mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng Marikina at maturuan ng mga kabataan ng tamang pagtatapon ng kanilang mga kalat. Namigay rin si Mayor ng mga school bags matapos malunsad ang programang ito sa mga estudyante.

Share article on: