Mayor Marcy Nais Ilibre Mga Seniors sa Ginagawang Swimming Pool sa Marikina Hotel

PIO Department

2018-3-1

Share article on:

Nangako si Mayor Marcy Teodoro sa mga senior citizens ng Marikina ng libreng paggamit sa ginagawang swimming pool sa Marikina Hotel.


Sa isang pagtitipon ng mga senior citizens sa syudad para matanggap nila ang P1,500 na social pension mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ni Mayor Marcy na pwedeng mag-picnic doon ang mga senior citizens ng Marikina.


“Sinisimulan ng gawin ang swimming pool dito sa Marikina Hotel. Para sa mga senior citizens na gustong mag-swimming doon, libre na. Dalhin nyo lang ang inyong mga senior citizen IDs. Pwede kayong mag-outing doon,” ayon kay Mayor Marcy sa isang maiksing talumpati sa Marikina Hotel kung saan isinagawa ang pamimigay ng social pension.




Namigay din si Mayor Marcy ng bigas para sa mga senior citizens na kumuha ng kanilang mga pensyon mula sa DSWD. Tumulong naman ang mga kawani ng city hall sa pamimigay ng pension na ginanap sa loob ng apat na araw.


“May hinanda kaming konting bitbit para sa pag-uwi ninyo meron kayong pasalubong para sa inyong mga pamilya,” ayon pa kay Mayor Marcy na labis na ikinalugod ng mga senior citizens na nandoon sa Marikina Hotel.


Kada buwan ay nakakatanggap ang mga mahihirap o indigent senior citizens sa buong bansa ng social pension mula sa DSWD na nagkakahalaga ng P500. Ito ay pinamimigay tuwing ika-tatlong buwan kaya naiipon ito at nagiging P1,500.




Mahigit kumulang sa 6,238 na mga senior citizens ng Marikina ang napagkalooban ng social pension na ginawa sa loob ng apat na araw sa iba’t-ibang lugar ng syudad katulad ng Marikina Hotel at Teatro Marikina.


Malapit sa puso ni Mayor Marcy ang mga senior citizens. Tuwing birthday nila ay namimigay din ang city hall ng P1,000 cash gift at basket of groceries na kanilang kinukuha sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng lungsod.


Nais din ni Mayor Marcy na magtayo ng mga opisina ng OSCA sa iba’t-ibang bahagi ng Marikina tulad sa Fortune upang hindi na lumayo pa ang mga senior citizens sa tuwing kukunin nila ang kanilang mga regalo tuwing kanilang kaarawan.

Share article on: