Mayor Marcy Namigay ng Grocery Packs sa mga Senior Citizens

PIO Department

2018-7-23

Share article on:

Malapit sa puso ni Mayor Marcy Teodoro ang mga senior citizens ng Marikina, kung kaya’t namigay rin ang kaniyang tanggapan ng mga grocery packs sa mga lolo at lola na kumuha ng kanilang regular na social pension at karagdagang pera mula sa Unconditional Cash Transfer (UCT) program ng national government.

Ang pamimigay ng tulong pinansiyal sa ilalim ng mga programang Social Pension Program for Indigent Senior Citizens (SPISC) at UCT ay ginanap noong Sabado at kahapon, Linggo, sa City Hall Quadrangle kung saan kasama ni Mayor Marcy ang mga opisyales ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang ahensyang may hawak sa dalawang programang ito ng pambansang pamahalaan.

Sa ilalim ng SPISC, ang mga mahihirap na senior citizens ng bansa kabilang na ang mga Marikenyo ay nakakatanggap ng P500 bawat buwan upang pandagdag sa kanilang pang-araw-araw na gastusin, kasama na ang pambili ng gamot.

Samantala, ang UCT program naman ay nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na naglalayong matulungan ang mga mahihirap nating kababayan na naapektuhan ng pagtaas ng mga buwis sa ilalim ng TRAIN law na sinimulang ipatupad noong Enero ngayong taon. Ang UCT program ay ipapatupad sa loob ng tatlong taon mula 2018 hanggang 2020.

Sa taong ito, ang mga mahihirap nating kababayan ay makakatanggap ng P200 bawat buwan sa ilalim ng UCT program. Tataas ito sa P300 bawat buwan sa susunod na taon at sa 2020.

Mahal ni Mayor Marcy ang mga senior citizens. Tuwing birthday nila ay meron silang P1,000 na cash gift at basket of groceries mula sa City Hall na kanilang makukuha sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA).


Para sa mga kababayan nating nais makasali sa UCT program, mangyaring mag-apply sa tanggapan ng OSCA sa V. Gomez St., Brgy. San Roque katabi ng Teatro Marikina. Maari pong magsadya roon ang mga lolo at lola o kanilang mga kamag-anak anumang oras mula Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Ang OSCA ang siyang magrerekomenda kina lolo at lola sa DSWD.

Ang mga programang ito para sa mga senior citizens ay pagpapatunay lamang na sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marcy, ang Marikina ay may gobyernong maaasahan, lalo na kung ikaw ay may-edad na at hindi na kayang magtrabaho pa.

Share article on: