Mayor Marcy Nanguna sa Pasinaya sa Bagong Multi-purpose Hall sa Apitong

PIO Department

2018-6-4

Share article on:

Isa na namang bagong multi-purpose hall ang naitayo sa ilalim ng pamunuan ni Mayor Marcy Teodoro, na nangakong lalo pang pagsisikapang mapaayos ang mga komunidad ng lungsod upang ang mga ito ay maging kaiga-igayang tirahan ng bawat pamilyang Marikeñyo.

Noong Sabado, Hunyo 2, ay pinangunahan ni Mayor Marcy ang pagpapasinaya sa multi-purpose hall ng Samahang Makakapitbahay ng Apitong (SAMAGA) sa Brgy. Marikina Heights. Binigyang diin ni Mayor Marcy na ang mga komunidad tulad ng sa Apitong ay walang pinagka-iba sa mga homeowners’ association sa mga subdibisyon.

Ang pagkakaroon ng multi-purpose hall ay mahalaga sa mga komunidad upang sila ay magkaroon ng pasilidad na maaring magamit sa mga pagpupulong at sa mga importanteng okasyon ng mga naninirahan doon katulad ng birthday at binyag na hindi na kailangan pang gumastos ng pera.




Ito ang pangatlong multi-purpose hall na naitayo sa Marikina Heights ngayong taong kasalukuyan. Bago sa Apitong, pinasinayahan din ni Mayor Marcy ang mga multi-purpose halls sa Gentville Subdivision at Westland.

Matatandaaang nabanggit na rin ni Mayor Marcy na ang pagpapatayo ng mga multi-purpose hall ay bahagi rin ng obligasyon ng Lungsod ng Marikina sa ilalim ng Community Mortgage Program ng pamahalaang nasyonal kung saan nais mabigyan ng sariling lupa ang mga informal settlers.

Labis naman ang kasiyahan ng mga naninirahan sa Apitong sa pagkakaroon nila ng sariling multi-purpose hall at ang pagpapaayos ng kanilang komunidad.


Sa mensahe ng pagtanggap, pinasalamatan in SAMAGA President George Agluba si Mayor Marcy sa mga nauna nang ayudang ipinagkaloob sa kanilang samahan bago pa ang multi-purpose hall. Kabilang rito ang pagsasaayos ng drainage at pagbibigay ng libreng electrical and building permits. Dahil dito, unti-unting nabago ang kanilang paligid, ang kanilang pamumuhay at maging ang pananaw nila sa buhay.

“Hinubad po ni Mayor Marcy sa mga katawan namin ang katagang iskwater,” ayon pa kay George.

Ang pagpapasinaya ay dinaluhan din ng mga ibang opisyal ng City Hall, mga miyembro ng SAMAGA at ni Councilor Don Favis.


Share article on: