Mayor Marcy Nilinaw ang 'Miscommunication' Naganap sa Pagitan ng PNP

PIO Department

2019-4-29

Share article on:

Mariing pinabulaanan ni Mayor Marcy Teodoro ang mga akusasyon sakanya na tinituring niyang “fake news” ukol sa pagtanggal hindi umano niya ng suporta sa lokal na kapulisan matapos ang reassignment ng dating Marikina police chief na si Colonel Roger Quezada na ngayon ay ginagampanan na ni Colonel Redrico Maranan bilang officer-in-charge.


“Ito ay isang kaso ng miscommunication na blown out of proportion,” sabi ni Mayor Marcy sa isang Facebook post ng Marikina Public Information Office (PIO) noong Huwebes, Abril 25.


Matatandaan na noong Lunes ng nakaraang linggo, Abril 22, pinasaringan ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang isang local chief executive na hindi niya agad pinangalan at tinawag pa niyang "childish" matapos makatanggap ng ulat na binawi nito ang suporta sa lokal na kapulisan matapos ang reassignment ng local police chief sa lungsod ng hindi alam ng alkalde.


“Hindi nasabihan or na-inform na tinanggal ‘yung chief of police niya, na dinala to another post because we have a career also. Meron kaming tinatawag na career ladder na kailangan na umangat yung position ng pulis,” sabi ni Albayalde.


Samantala, kinumpirma naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Guillermo Eleazar noong sumunod na araw na ang tinutukoy nga ni Albayalde ay si Mayor Marcy.


“Yung sinasabi nilang tinatanggal kong suporta ay pagtatama ko lang sa mali, ang paggawa ng alam kong mabuti. Katulad ng paglipat ng citation tickets sa ating mga local enforcers. Desisyon ko ito matapos makatanggap ng mga reports ng pang-aabuso, pinagkakakitaan ng kapulisan ang 20% incentive na nakukuha mula dito,” sabi ni Mayor Marcy sa kanyang pahayag.


Bilang Ama ng Lungsod ng Marikina, mahigpit na ipinapatupad ni Mayor Marcy ang kapayapaan at kaayusan sa buong siyudad dahil alam niya na bahagi ng kanyang tungkulin ay panatilihing nasa maayos na kalagayan ang kanyang nasasakupan.


“Sa totoo lang, hindi naman ata pagtatanggal ng suporta ang pagpapatayo namin ng 8-storey PNP Headquarters, pagpapaggawa ng public safety centers, pagdonate ng firearms, pagbigay ng bagong patrol cars, pag-aayos ng kanilang office space,”  dagdag pa ni Mayor Marcy.


Ang mga proyektong ito ay ilan lang sa mga tulong na patuloy na binibigay ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina bilang pagsuporta sa sangay ng mga kapulisan sa lungsod at para sa mas epektibong operasyon at pamamahala.


Batid ni Mayor Marcy ang halaga ng pagkakaroon ng paggalang at pagtalima sa batas kung saan binanggit niya ang Batas Republika 7160 na nagbigay-daan sa paglilipat ng kapangyarihan, awtoridad, at responsabilidad sa ilang gampaning pampamahalaan mula sa pambansa (sentral) tungo sa mga lokal na yunit ng pamahalaan at ang Batas Republika 6975 na nagsasaad ng sistema ng koordinasyon at pakikipagtulungan sa mga mamamayan, lokal na pamahalaan at ang pinagsamang pagpapatupad ng batas at mga ahensya sa kaligtasan ng publiko.


Hiling ni Mayor Marcy na magkaroon ng linaw ang hindi pagkakaintindihan na naganap sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina at ng PNP.


Bukas ang panig ni Mayor Marcy sa pakikipag-ugnayan sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang lalo pang mabigyan linaw ang isyung ito.

Share article on: