Mayor Marcy Patuloy ang Paglulunsad ng “Munting Basura, Ibulsa Muna”

PIO Department

2019-1-29

Share article on:

Patuloy ang pag-iikot ni Mayor Marcy Teodoro kahapon sa mga paaralan ng lungsod upang ilunsad ang programang “Munting Basura, Ibulsa Muna” ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina.

Ang programang ito na unang inilunsad noong Huwebes, Enero 24 sa Fortune High School – ay naglalayong turuan ang mga kabataan kung paano mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng Marikina sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng kanilang mga basura o kalat tulad ng balot o wrapper ng biscuits.

Ang mga pinuntahan ni Mayor Marcy kahapon ay ang Marikina Science High School, Kalumpang National High School, Tañong High School, Jesus dela Peña National High School at Barangka National High School. Katulad sa mga nakaraang paglulunsad ng programa, tinuruan ang mga estudyante sa apat na paaralang ito ng mga titik ng awitin tungkol sa tamang pagtatapon ng basura at ang nakakatuwang sayaw para sa kantang ito.




Namigay din ulit ng mga biscuits kung saan ang mga balot nito ay may mga mensahe tungkol sa pagtatapon ng basura. Sabay-sabay na kinain nina Mayor Marcy, mga mag-aaral, mga guro, at iba pang opisyales ng Lokal na Pamahalaan at mga bisita tulad ni dating Vice Mayor Marion Andres ang mga biscuits. Pagkatapos kainin ay sabay-sabay nilang ibinulsa muna ang mga balot o wrapper nito upang itapon mamaya sa basurahan sa eskwelahan o kaya ay sa kani-kanilang mga kabahayan.



Kasama rin sa pag-iikot sa mga paaralan ang mascot ng programang ito na si Marky, na labis na kinagiliwan ng mga estudyante.



Noong nakaraang Huwebes at Biyernes ay inilunsad ang “Munting Basura, Ibulsa Muna” sa Fortune High School, Marikina High School, Concepcion Integrated School (CIS) High School, San Roque High School, Malanday National High School, Santa Elena High School, Sto. Niño High School, Marikina Heights High School, Nangka High School at Parang High School.

Matapos maturuan ang mga kabataan ng tamang paraan ng pagtatapon ng basura at kung bakit mahalaga ito, namigay ulit si Mayor Marcy ng mga school bags sa mga mag-aaral.


Share article on: