Mayor Marcy, Personal Na Inasikaso mga Kababayan sa Evacuation Centers

PIO Department

2018-7-17

Share article on:

Bilang Ama ng Lungsod ay hindi makakatulog si Mayor Marcy Teodoro hangga't hindi niya personal na nasisiguro na maayos ang kalagayan ng mga Marikenyong lumikas mula sa kanilang mga tahanan at nanunuluyan muna sa mga evacuation centers.

Nais ni Mayor na matiyak na ang Lokal na Pamahalaan ay nakatutok at nag-aasikaso sa mga kababayang nasa mga evacuation centers kaya dinalaw niya ang mga ito ngayong gabi.

Isa sa mga pinuntahan niyang evacuation center kung saan ay tumulong siyang magsilbi ng pagkain ay ang Bulelak Gym. Mahigit sa isandaang pamilya at mahigit sa anim na raang tao ang pansamantalang nanunuluyan sa naturang gym sa Malanday.


Bandang 8:00 ngayong gabi, may 218 na pamilya at 1,181 katao ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan na malapit sa ilog at nasa mababang lugar. Sila ay pansamantalang nanunuluyan sa itinalagang pitong evacuation centers katulad ng Bulelak Gym, Tanong High School, Marikina Elementary School, Malanday Elementary School, Concepcion Integrated School, H. Bautista Elementary School at Nangka Elementary  School.



Buong araw ay abala si Mayor Marcy kasama ang iba pang mga opisyales at kawani ng Pamahalaan ng Lungsod  sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamayan habang tumataas ang tubig sa Marikina River dahil sa walang tigil na ulan.


Maliban sa pagbibigay ng mga instruksyon sa mga dapat gawin sa mga kawani ng City Hall at sa mga pulis, abala rin si Mayor Marcy sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga mamahayag ng radyo, TV at diyaryo.


Bukod sa pagtiyak na bukas ang mga evacuation centers sa oras ng paglikas ng mga mamayan, tiniyak din ng Pamahalaang Lungsod na maipagkakaloob ang mga pangangailangan ng mga lumikas sa evacuation centers katulad ng pagkain, maiinom, tulugan, mga gamot, pagkonsulta sa doctor, pamimigay ng dignity kits at marami pang iba.

Samantala, dahil sa patuloy na pag-ulan at nasa critical na level ang Marikina River, dineklara ni Mayor Marcy na walang pasok bukas, Miyerkules, Hulyo 18, sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Marikina.

Bandang 10:01 ngayong gabi ay bumaba na ang tubig sa Marikina River sa 16.5 meters mula 16.7 meters kaninang 7:00 pm.

Share article on: