Mayor Marcy Pinasinayaan Dalawang Bagong Multi-Purpose Halls

PIO Department

2018-10-1

by Famela Dahonog

Share article on:

By: Famela Dahonog


Pinasinayaan ni Mayor Marcy Teodoro ang dalawang bagong multi-purpose halls sa Brgy. Nangka at sa Brgy. Marikina Heights noong Sabado, Setyembre 29.


Ang mga multi-purpose halls na ito ay bukas na para sa buong kumunidad at homeowners ng Libya Extension Orchard (LEOHA) sa Barangay Nangka at sa Villa Cristina Subdivision (VCSHOA) sa Barangay Marikina Heights.


Nais ni Mayor Marcy na lalo pang mapaganda ang dalawang multi-purpose halls katulad ng bagong gawang Freedom Park malapit sa City Hall. Nais ni Mayor na matamnan ng mga puno para magkaroon ng lilim at malagyan ng paver sa paligid nito.



“Sasabihin natin sa gumawa na ipaayos pa ang paligid,” sabi ni Mayor Marcy sa isang maiksing pananalita sa pasinaya sa multi-purpose hall ng LEOHA.  “Magpapadala ho tayo ng mga puno dito para lumamig ang paligid”.





Ibinahagi naman ng presidente ng LEOHA na si Engr. Antonio Dela Cruz ang pinagdaanan ng kanilang lugar bago maipatayo ang kanilang multi-purpose hall.


“Dati, hesitant kami sumali sa isa sa pinaka malinis na community sa buong Marikina kasi hindi kami makasabay sa development ng ibang lugar. Pero nagpapasalamat tayo ngayon at na pagbigyan tayo ni Mayor Marcy na mai-develop ang community natin kahit maliit,” sabi ni Antonio.





Hinikayat din ni Antonio na magkaisa at ipagpatuloy ng mga susunod na opisyal ng homeowners ang nasimulang pagpapaganda ng kanilang kuminidad.

“Marami pa tayong pwedeng maitulong para mapaganda ang ating community. Ang kailangan lang natin ay magkaisa,” dagdag pa ng presidente ng LEOHA.




Ang dalawang gusali ay parehas na may sukat na 100 square meters at may dalawang palapag. Malawak at maaliwas din ang loob ng mga ito.

Nagpapatayo si Mayor Marcy ng mga multi-purpose halls upang magsilbing lugar ng pagtitipon para sa mga homeowners at dausan ng iba’t ibang okasyon ng komunidad.


Sinundan naman ang pagpapasinaya sa Villa Cristina Subdivision ng panunumpa ng mga bagong opisyal ng homeowners’ association dito kay Mayor Marcy.

Share article on: