Mayor Marcy sa mga Marikenyo: Huwag ng Magpaputok sa Bagong Taon

PIO Department

2018-12-31

Share article on:

Upang maiwasan ang mga disgrasya at aksidente sa bagong taon, hinikayat ni Mayor Marcy Teodoro na huwag ng magpaputok ang mga Marikenyo ngayong gabi. Sa halip ay magdasal na lamang sila bilang pagsalubong sa 2019, ang Year of the Pig.

Hinikayat din ni Mayor Marcy Teodoro ang mga Marikenyo na sa halip na magsindi ng mga paputok ay gumamit na lamang ang ating mga kababayan ng mga ligtas na bagay upang gumawa ng ingay tulad ng pagkalembang ng mga kaldero at torotot sa pagdiriwang ng bagong taon.

"Sinisikap natin na iwasan na ang pagpapaputok," ayon kay Mayor Marcy. "Ini-encourage natin ang mga taga-Marikina na sa pagsalubong ng bagong taon, ang mabuti pa ay magdasal na lamang tayo."

Meron namang itinalagang mga pampublikong lugar ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina tulad ng mga open spaces at parke kung saan pwedeng magpaputok nang sama-sama ang isang komunidad ayon sa mga umiiiral na batas at ordinansa ng lungsod. Ito ay upang hindi na magpaputok pa sa kani-kanilang mga kabahayan ang mga mamamayan.

"Bahagi ito ng kampanya ng Marikina na imbis na bumili pa ng paputok at sindihan ang mga ito bilang pagsalubong sa bagong taon, hinihikayat natin ang  mga taga-Marikina na magtipon-tipon na lamang sa mga lugar na ito," ayon kay Mayor Maarcy.

Year-end Concert

Kagabi, Disyembre 30, ay nagkaroon ng concert at fireworks display sa Marikina Sports Center na tinampukan ng sikat na singer na si Moira Dela Torre, Ex Batallion at Hashtags tulad nina McCoy de Leon, Ronnie Alonte, Nikko Natividad, Zeus Collins at Paulo Angeles. Ito ay isang paraan upang mapasaya ni Mayor Marcy ang mga Marikenyo sa darating na bagong taon.

"Gusto natin sa Marikina ay masaya lahat ngayong gabi. Walang malungkot," ayon kay Mayor Marcy. "Dito sa Marikina ay nagsasama-sama kami. Nagkaka-isa at nagmamahalan."

"At sa gabing ito, sige-sige lang. Hayaang maglibang; problema'y hindi iniinda. Ang problema sa Marikina ay inaaksyonan," dagdag pa ni Mayor Marcy.

Ang mga komedyanteng sina Tonton at Iyah ang nagsilbing hosts sa naturang concert na lalong nagpadagdag sa tuwa at saya ng libu-libong mga Marikenyo.

Kahit umuulan bago magsimula ang concert, mahigit 70,000 na mga Marikenyo ang nakisaya sa year-end concert sa Marikina Sports Center, at  ang iba ay nasa Cityhood Park at sa Freedom Park. Matapos ang pagtatanghal ng mga singer at artista, nagkaroon ng fireworks display na nagtagal ng halos anim na minuto.

Dumalo rin sa year-end cocert ang mga iba pang opisyales ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina tulad nina Councilor Donn Carlo Favis at Paul Dayao; dating Vice Mayor Marion Andres at marami pang iba.

Dahil sa preparasyon na isinagawa ng mga opisyales ng City Hall ng Marikina sa pakikipagtulungan ng ibang mga lokal na ahensiya sa lungsod tulad ng Philippine National Police (PNP)-Marikina, naging mapayapa at maayos ang concert.


Share article on: