Mayor Marcy Tinapos Muna mga Gawain sa Bayan Bago ang Kandidatura

PIO Department

2018-10-18

Share article on:

Ilang beses nang pinatunayan ni Mayor Marcy Teodoro na prayoridad niya ang Lungsod ng Marikina bilang Ama ng Lungsod. Muli niya itong pinatunayan kahapon.

Bago maghain ng kaniyang kandidatura sa Commission on Election (Comelec) kahapon ay dinaanan muna ni Mayor Marcy ang ginagawang proyekto sa Chanyungco Street sa Barangay Sta. Elena. Siniguro ni Mayor na maayos ang mga hinukay sa gilid ng kalye at baka may maaksidente pa ritong mga mamamayan o kaya mga motorista.

Hindi alintana ni Mayor ang pagbuhos ng ulan para lamang masigurong maayos ang mga proyektong ginagawa ng Lungsod ng Marikina sa ilalim ng kaniyang administrasyon.


“Hayaan mo na muna yang COC (certificate of candidacy) na iyan. Unahin muna natin na matakpan at masarado ang mga ito at baka may mahulog dito,” ayon kay Mayor Marcy ng paalalahanan siyang malapit ng mag-alas singko ng hapon, ang oras ng pagsasara ng opisina ng Comelec sa Marikina.


Matapos masiyasat ang iba pang mga ginagawa sa kalye ng Chanyungco, tungkulin naman sa kaniyang pamilya ang inatupag ni Mayor. Bago tumuloy sa Comelec, dumaan muna si Mayor Marcy sa Marikina Public Market upang bumili ng panghapunan ng kaniyang pamilya.

“Hayaan mo na muna iyang COC, ibibili ko muna ng hapunan sina kumander ko at anak ko. Makapaghihintay iyang pulitika. Pamilya muna,” sabi ni Mayor.


Matapos magampanan ang kaniyang mga tungkulin kahapon bilang Ama ng Lungsod at Ama ng Tahanan ay tumuloy na si Mayor Marcy sa Comelec upang mag-file ng COC bilang Mayor ng Marikina City para sa halalan sa susunod na taon.

Walang kalaban si Mayor Marcy sa pagka-alkalde sa Marikina sa 2019 na halalan.

Nakahinga na ng maluwag at nakangiti na ang mga supporters ni Mayor Marcy matapos niyang maipasa ang kaniyang COC.


Share article on: