Mayor Marcy, Tinulungan mga Marikenyong Walang Bahay na Masilungan

PIO Department

2018-7-23

Share article on:

Bilang Ama ng Lungsod, nais ni Mayor Marcy Teodoro na lahat ng Marikenyo ay ligtas at may maayos na masisilungan lalo na sa panahon ng kalamidad. Nais rin niyang sila ay may mapagkakakitaan upang makapamuhay ng maayos habambuhay.

Nitong mga nakaraang araw, habang patuloy sa pagtaas ang tubig sa Marikina River dulot ng sama ng panahon bunsod ng habagat, sinigurado ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa pamumuno ni Mayor Marcy na ligtas ang lahat ng Marikenyo.

Kabilang sa mga binigyan ng atensyon at sinagip mula sa banta ng panganib ng buhos ng ulan, posibleng pagragasa ng ilog at pagkakasakit ay ang mag-asawang sina Bing at Riza na may isang taon ng caretaker sa taniman ng mais sa tabing ilog.

Bagamat bantulot noong una, kalaunan ay napahinuhod din sila na matulungan ng Pamahalaang Lungsod.


Alinsunod sa direktiba ni Mayor Marcy, sila ay binigyan ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot. Binigyan din sila ng pansamantalang tirahan sa loob ng anim na buwan at higit sa lahat ay ng trabaho. Maging ang kanilang mga alagang aso, pusa at manok ay pansamantalang inampon din.

Nabigyan sila ng pansamantalang tirahan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pinabigyan sila ni Mayor ng pang-upa para sila ay may matirhan kahit sa maliit na lugar.

Sa utos din ni Mayor Marcy, binigyan ng trabaho ang lalake upang may panggastos sila sa araw-araw na pangangailangan. Ayon nga kay Mayor Marcy: “Huwag isda ang ibigay mo, kungdi pangbingwit.”

Ang pagbibigay ng permanenteng tirahan sa mga informal settlers ng lungsod at ng titulo sa kanilang lupa ay isa sa nga programang isinusulong ni Mayor Marcy na naglalayong mabigyan ng maayos na kapaligiran ang bawat pamilyang Marikenyo.

Ayon sa paniniwala ni Mayor, pag giniba at pinaalis ang mga taong nakatira sa ilalim ng tulay at kung saan pa man, lalo na kung wala silang trabaho, lilipat lamang sila sa ibang lugar. Sa madaling salita, hindi ito ang tunay na solusyon sa problemang ito kung hindi pagbibigay ng permanenteng matutuluyan at trabaho.

Dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Josie na nagpalala sa habagat, umakyat ang tubig sa Marikina River kahapon ng umaga sa 17.4 meters. Isinailalim sa state of calamity ang siyudad ng Marikina kahapon at sinuspinde ang mga klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paraalan sa lungsod.


Share article on: