Mayor Marcy Tinulungan mga Residente ng Noah Maayos Titulo sa Lupa

PIO Department

2018-6-11

Share article on:

Alinsunod sa layunin ng pamunuan ni Mayor Marcy Teodoro na mabigyan ng lupa ang mga informal settlers sa Lungsod ng Marikina, 26 na residente ng Noah Homeowners Association (HOA) ang napagkalooban ng mga titulo noong Sabado, Hunyo 9.

Ayon kay Marife Mataba, presidente ng Noah HOA, si Mayor Marcy mismo ang sumagot sa bayarin upang maayos na ang mga titulo ng mga residente doon. Pinangunahan ni Konsehal Jojo Banzon at Tourism Head Ponchie Santos ang pamimigay ng mga titulo kasabay ng pasinaya sa bagong multi-purpose hall ng Noah HOA.

“Malaki ang pasasalamat namin kay Mayor Marcy dahil binayaran niya ang pagpapaayos ng mga titulo ng lupa,” ayon kay Marife sa isang maiksing mensahe.

Naging madamdamin ang mensahe ni Marife at halos maluha sa tuwa hindi lamang dahil naipagkaloob ang hinihiling nilang multi-purpose hall kundi dahil naayos na rin ang titulo ng kani-kanilang mga lupa.

“Hindi na ho kami mga squatter ngayon. Kami ho ay mga homeowners na,” dagdag pa ni Marife. “Sobrang laking tulong ni Mayor Marcy. Kumbaga, nakahain na, kulang na lang ay isubo sa amin.”


Pinayohan naman ni Ponchie na alagaan ng mga miyembro ng Noah HOA ang kanilang komunidad at mga titulo ng lupa.

“Ingatan ninyo ang mga titulong ito dahil ito ang magsasasabi na ganap na kayong taga-Marikina. Kayo ay homeowners na,” sabi ni Ponchie, na kumatawan kay Mayor Marcy na hindi nakadalo sa okasyon dahil sa isang importanteng obligasyon.


Si Jonette Curry ng Marikina Tourism office ang nagsilbing emcee ng maiksing programa na hindi nagpatalo sa malakas na ulan dulot ng bagyong si "Domeng."

(Celine Natividad contributed to this article.)

Share article on: