Mga Mamimili Dumagsa sa Shoe Bazaar Dahil sa Dekalidad na Sapatos at Bags

PIO Department

2018-11-23

Share article on:

Dinadagsa ng mga mamimili ang Shoe Bazaar sa Freedom Park dahil sa mga dekalidad at hindi kamahalang mga sapatos at bags na ibinebenta rito.

May 48 na mga manggagawa ng sapatos at bags mula sa Lungsod ng Marikina ang sumali sa Shoe Bazaar sa taong  ito. Sila ang may kaniya-kaniyang pwesto sa loob na isang malaking tent na matatagpuan sa Freedom Park, harap mismo ng City ng Marikina.


Maganda rin ang naging tiyempo ng taunang Shoe Bazaar dahil nakatanggap na ng bonus ang mga kawani sa gobyerno at sa pribadong mga kompanya. Nagsimula na ring magpadala ang mga Pilipinong nagtratrabaho sa ibang bansa sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas para sa panahon ng kapaskuhan.

“Maganda ang timing kaya maraming namimili rito. Unang-una year-end kaya may mga additional cash ang mga families. Bigyan ng bonus,” sabi ni Bert Pagatpat na namimili ng sapatos para sa kaniya at para sa kaniyang mga apo.

“Ito rin ang time para mamili para may magamit next  year. Dahil matibay ang mga gawang Marikina, pwedeng gamitin ang mga ito sa loob ng isang taon at mahigit pa,” dagdag pa ni Bert na isang retired medical representative.

Dagdag pa niya, mas mura ang mga paninda rito kumpara sa mga department stores at shopping malls.


“Mas mura kasi dito kesa sa department stores. Maraming add-ons kasi sa department stores. Dito, halos at cost na ang mga binebenta,” sabi ni Bert.

Ayon naman kay Benito Calla na isa ring retired employee, talagang sulit mamili sa Shoe Bazaar ng Marikina.

“Maganda ang quality ng Marikina at medyo mababa ang presyo. Malaking mura kapag dito mamili. Itong tsinelas P400 ko lang nabili dito. Mga P700 to P800 ito sa labas (department store),” sabi ng 68 anyos na si Benito na taga-Cogeo sa Antipolo City.

“Babalik pa nga ako ulit dito para mamili naman para sa aking mga anak at apo,” dagdag pa ni Benito.


Sinang-ayunan naman ni Mary Jean Buala, assistant nurse sa Marikina Polytechnic College, ang mga sinabi ni Benito at Bert.

“Halos lahat ng mga shoes ko galing dito,” ayon kay Mary Jean na taga San Mateo, Rizal. “Pag mamili ako, minsan dalawa o tatlong pares. Tumatama kasi nga bigayan ng bonus. At saka may discount kasi ang government employees ng Marikina dito, 10 percent. Malaking bagay rin iyon.”

Kahit walang discount, talagang value-for-money ang mga bilihin sa Shoe Bazaar, dagdag pa ni Mary Jean.

“Mura talaga rito. Itong nabili kong step-in, P550 lang.  Sa mall aabot ito ng isanlibo o mahigit pa,” sabi niya.

Ang Shoe Bazaar, na nag-umpisa noong Nobyembre 12 at bukas hanggang Enero 6 sa susunod na taon, ay bukas mula 9:00 ng umaga araw-araw – Lunes hanggang Linggo. Ito ay ginaganap kaugnay sa pagdaraos ng Sapatos Festival sa Marikina, ang tinaguriang Shoe Capital of the Philippines.


(Photo credit: Marikina Shoe Industry Development Office o MASIDO. Ang mga kinunan ng larawan rito ay mga mamimili rin sa Shoe Bazaar pero hindi sila ang na-interview para sa artikulong ito.)

Share article on: