Mga Marikenyo In-demand sa mga Employers, ayon sa LRPESO

PIO Department

2018-7-17

Share article on:

Masigasig ang Labor Relations and Public Employment Service Office (LRPESO) ng City Hall sa paghahanap ng trabaho para sa mga Marikenyo.

“Dumadalaw kami sa mga tanggapan ng mga accredited companies natin upang mag-inquire kung may mga job openings sila,” ayon kay Gil Munar, ang chief ng LRPESO sa isang panayam sa loob ng kaniyang opisina. “Mas marami kasing trabaho ang nakukuha namin outside of Marikina katulad sa Pasig, Quezon City at Mandaluyong.

Nagustuhan ng mga kompanya ang mga Marikenyo dahil sila ay matiyaga at masipag sa kanilang trabaho, dagdag pa ni Gil.

Karaniwang trabahong nakukuha ng LRPESO ay sa services sector, lalo na sa mga malls, restaurants at fast food chains katulad ng mga service crew, waiter, sales staff, cashier; back office operations katulad ng accountant, merchandiser, clerk; at sa call center o business process outsourcing (BPO) sector.


Ang pagkakaroon ng maayos na trabaho para sa mga Marikenyo ay isa sa mga pangunahing programa ni Mayor Marcy Teodoro. Ito ang dahilan kaya hinikayat niya ang mga negosyante at mamumuhunan na magtayo ng mga negosyo sa Marikina. Ilan sa mga hakbang na ginagawa ni Mayor upang maengganyo ang mga negosyante ay ang pag-aayos ng mga imprastruktura tulad ng pagpapagawa ng mga kalye at tulay, pagpapanatili ng peace and order, at iba pa.

Regular na nagsasagawa ng job fair ang mga accredited companies ng LRPESO sa Marikina mismo. Ngayong araw ng Martes, Hulyo 17, ay may in-house job fair ang SM Supermarket na gaganapin sa tanggapan mismo ng LRPESO sa 2/F Public Service Center, Brgy. Sta. Elena sa Lungsod ng Marikina.


Ang mga hinahanap ng SM Supermarket ay customer assistant, treasury assistant, cashier, sales clerk, stock clerk at bagger. Magaganap ang job fair mula 8:00 ng umaga hanggang 12 ng tanghali. Sa mga interesado, magdala lamang ng updated resume at magsadya sa tanggapan ng LRPESO.

Bukod sa in-house job fair, nagsasagwa rin ng malawakang job fair ang LRPESO kasama ang mga accredited companies nito. Ang huling job fair na ginawa nila ay noong Pebrero 23 sa taong kasalukuyan na dinaos sa Marikina Sports Center.


Para sa karagdagang impormasyon, magsadya lamang sa tanggapan ng LRPESO sa 2/F Public Service Center, Brgy. Sta. Elena sa Lungsod ng Marikina malapit sa City Hall. Maari ring tumawag sa (02) 681-92-77 o kaya ay puntahan ang kanilang Facebook page -- https://www.facebook.com/Lrpeso/

Share article on: