Mga Pinapagawang Flood-Control Projects, Susi sa Pagsupil ng Baha sa Marikina

PIO Department

2018-8-23

Share article on:

By: Charles Adrian Cruz, PIO


Nitong nakaraang linggo, muling bumalik sa alaala ng mga Marikenyo ang sinapit ng Lungsod ng Marikina ng nanalasa ang bagyong Ondoy noong Setyembre 2009 na naging dahilan upang tumaas ang tubig sa Marikina River sa 23 meters at naging dahilan upang bumaha sa halos lahat ng barangay sa  siyudad.

Bandang 10:30 ng gabi noong Agosto 11 sa taong kasalukuyan, muling umapaw ang Marikina River at umabot sa 20.4 meters dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng bagyong si Karding na nagpalala sa habagat. Dahil dito, binaha ang ilang lugar sa Marikina at nagkaroon ng forced evacuation.

Upang muling maiwasan ang pagbaha sa lungsod tuwing may malakas na bagyo at habagat na nagdudulot ng pangamba sa mga Marikenyo,  sinisikap ng Pamahalaang Lokal sa pamumuno ni Mayor Marcy Teodoro na magsagawa ng mga proyektong magbibigay solusyon sa problema ng pagbaha.

Ilan sa mga proyektong ito ay ang pagpapalawak at pagpaparami ng mga drainage sa lungsod at ang madalas na pagde-dredge ng mga kanal at ilog upang maging maayos ang daloy ng tubig mula sa bundok at maiwasan ang pagbaha.

 







Ang Marikina River naman ay pinapalawak at ginagawan ng mga modernong dike at riprap upang maiwasan ang pagbaha sa mga mga komunidad malapit dito. Nilalagyan na rin ng iba’t ibang mga water pumping stations ang mga tabing creek at ilog upang maitaboy ang mga tubig na umaapaw mula sa mga daluyang tubig ng Marikina.




 

Sa ngayon, may ilang mga drainage improvement projects sa lungsod tulad ng ginagawa sa mga kahabaan ng Jacamar Street at A. Santos Street. May malaking drainage rin na ginagawa sa Katipunan Street na tinatawag na Flood Interceptor. Tinatayang matatapos ang nasabing proyekto sa Jacamar Street sa loob ng isang buwan.


Inaasahang sa katapusan ng mga proyektong ito, maiibsan na ang pagbaha sa riverside communities at ilang lugar sa Concepcion Dos. Sa mga susunod na buwan, tuloy-tuloy ang mga pag-aayos ng iba pang drainages upang maging flood-free na ang Marikina.


 

Share article on: